Maraming nanliligaw kay Grace Poe

PARANG ikinokondisyon ng maka-administrasyon at taga-oposisyon ang utak ng publiko na pang-Vice president lang si Sen. Grace Poe.Bakit? Kasi naman nagpahayag na ang nasa magkabilang bakod na nais nilang kunin si Poe bilang running mate ng kani-kanilang mga presidential bet sa 2016 elections.

Pero tingin ng marami, hindi kinukuha ang senadora dahil gusto lang nila ng malakas na kandidato sa pagka-bise presidente kundi dahil natatakot sila na baka ito ang tumakbo sa pagkapangulo at sila ay talunin nito.

Lahat ay nagulat nang si Poe ang nanguna sa senatorial elections noong 2013. Walang nag-akala na tatalunin niya ang mga pangalang Sen. Francis Escudero at Sen. Loren Legarda na nangunguna sa mga survey bago ang botohan.

At walang nakaka-alam, at malay natin, tumakbo nga si Poe sa halalan.  Kung hindi man naging pangulo ang kanyang amang si Fernando Poe Jr., baka siya ang tumupad sa pangarap na ito.

Sa mga panayam kay Poe, sinabi niya na wala siyang plano na tumakbo sa mas mataas na posis-yon. Wala pa siyang tatlong taon sa posisyon at sa 2019 pa matatapos ang kanyang termino.

Kung tatakbo siya at matatalo (na baka mangyari kung magagaya siya sa kanyang ama na ‘dinaya’) babalik lang siya sa pagiging senador. Kung mananalo, aakyat siya sa bagong puwesto.

Kung ayaw ni Poe, may magagawa kaya siya kung ang taumbayan na ang magsasalita. At papaano kaya kung siya ang basbasan ni Pangulong Aquino? Hihindi kaya siya.

Tatawa-tawa naman ang ilang tao sa kumpulan, kasi inihilera ang pangalan ni Poe sa katulad ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian na isa rin umano sa napipisil na maging running mate ni Vice President Jejomar Binay.

Kung sa mga survey sa pagkasenador ay pang-45 si Gatchalian (survey ng Pulse Asia noong Setyembre), bakit siya ikukumpara sa mga katulad ni Poe?

Ang tingin ng ilan, ginagamit lamang ito para umangat ang rating ni Gatchalian na ang talagang pakay ay tumakbong senador.
Noog 2013 pa naaamoy ang planong pagtakbo ni Gatchalian pero hindi ito natuloy dahil nangungulelat nga sa survey.

Malamang ay matuloy na ito sa 2016 polls sa ilalim ng balwarte ni Binay. At kung tutuloy si Gatchalian na VP ni Binay, baka mabansagan silang gatas at kape kapag nasa entamblado.  Hindi ko ie-elaborate.

Kung si Poe ang babasbasan ni PNoy, pumayag kaya si Interior Sec. Mar Roxas at ang Liberal Party na siya ay mag-bise na lamang.  Mas malabo naman siguro kung si Binay ang maging running mate ni Poe.

At kung wala nang makukuhang running mate si Binay, baka matuloy na sa pagka-bise itong si Gatchalian. Hindi naman siguro tutuloy si Binay kung kulang ang slate niya.

Read more...