KUNG may isang aral na natutunan sina Kim Chiu at Xian Lim kay Comedy Queen Ai Ai delas Alas habang ginagawa nila ang pelikulang “Past Tense” ng Star Cinema – ‘yan ay walang iba kundi ang maging humble.
Bilib na bilib ang dalawang Kapamilya stars sa pagiging totoong tao ni Ai Ai, wala raw kasing masamang tinapay sa komedyana, mabait at maalaga siya sa lahat ng mga nakakatrabaho niya.
Naikuwento ni Xian sa nakaraang presscon ng “Past Tense” directed by Mae Cruz-Alviar, hinding-hindi niya malilimutan ang pagiging professional ni Ai Ai na kagagaling lang that time sa sakit na Bell’s palsy (halos two weeks siyang hindi nakapagtrabaho).
“May isang eksena kami ni Ms. Ai, kakagaling lang niya noon sa sakit. Wala talaga siyang reklamo,” ani Xian. Dagdag pa ng binata, “Tapos ang bahay na pinag-syutingan namin, ang dumi talaga, puno ng alikabok.
Tapos pinapahiga si Ms. Ai sa sahig, pinapagulong gulong siya, kung anu-ano ang pinapagawa sa kanya. Si Ms. Ai, okay lang talaga lahat. Kumbaga si Ms. Ai, go with the flow lang talaga.
‘Gagawin ko ito dahil gusto kong gawin.’ ‘Yun ang natutunan ko sa kanya.” Um-agree naman si Kim sa sinabi ni Xian, at anito, “Ang isa sa mga natutunan ko dapat maging humble.
Huwag mong ilagay sa utak mo kung nasaan ka man, kung ano man ang narating mo, kung nasaan ka na ngayon. ‘Yung nandiyan ka na pero magmamaldita ka, mag-aano ka na ‘ayaw ko na, cut off ko na, uuwi na ako’ hindi siya ganoon.”
“(Siya) ‘Ilan pa ba? O sige tapusin na natin, hanggang doon na lang ang kaya ko.’ “Pero yung iba, ‘Ayaw ko na uwi na ako.’ Tapos pag-uwi, pag-uusapan, ‘alam mo si ganito, si ganyan.’ Pero kay Mama Ai, pinag-uusapan, ‘uy ang bait ni Ms. Ai.
Ang tagal na niya pero ganoon pa rin siya.’ Sana ganoon din ako,” papuri pa ni Kim kay Ai Ai. Ayon pa sa dalaga, “Gusto ko ganoon na pag-alis ko, maging ganoon ang sinasabi sa akin ng mga tao. Pagtalikod ko ay magaganda ang reviews.”