SHAINA: Ipinagdasal ko talaga siya kay LORD!

Wala nang nanggugulo sa relasyon nila ni John Lloyd

May bagong serye na namang aabangan ang regular viewers ng Kapamilya Gold simula sa Abril 16, ang Kung Ako’y Iiwan Mo na pagbibidahan nina Jake  Cuenca, Shaina Magdayao at Bangs Garcia, kasama ang mga award-winning stars na sina Christopher de Leon, Phillip Salvador at sina Gloria Diaz at Sandy Andolong.

Ang mga batang nagsiganap bilang Jake at Shaina ay sina Paul Salas at Mariel Pamintuan.

Sa isang linggong episode ng Kung Ako’y Iiwan mo na ipinapanood sa entertainment press ay marami ang naiyak sa magandang samahan bilang magkaibigan nina Boyet at Ipe na humantong sa trahedya – pareho silang namatay agad sa kuwento.

Ipinakita rin ang teaser ng pangalawang linggong episode na ang napansin ng lahat ay ang matitinding kissing scenes nina Shaina at Jake kaya iisa ang tanong sa aktres, pinaghandaan ba niya ito?

“Ano po, kinailangan naman po, eh. Naniniwala naman ako na hindi naman ako hahalik lang nang dahil gusto ko lang magpa-kiss. Kailangan po kasi talaga sa istorya,” ayon kay Shaina ng makatsikahan namin pagkatapos ng presscon ng serye.

Noong una ay nailang sina Shaina at Jake kaya na-take two sila sa kissing scene, hindi raw kasi nila ma-convince si direk Manny Palo. Kaya sa pangalawang take ay itinodo na nila.

Kailangan daw kasi ay halikan na na-miss nila ng todo ang bawat isa dahil nga nagkahiwalay sila ng matagal na panahon.

“Kaya ibinigay na po namin ang lahat-lahat nun’g pangalawang take.

Kaysa ulit-ulitin pa. Pero talaga namang kailangan sa istorya,” sabi ng aktres.

Sa Doha, Qatar kinunan ang ilang mahahalagang eksena sa Kung Ako’y Iiwan Mo at ilang linggo rin silang nanatili roon.

Nahirapan daw talaga ang buong cast dahil sobrang higpit sa Middle East, “Like ‘yung room ng babae at lalaki kailangan magkahiwalay, hindi puwedeng magkasama sa isang room unless mag-asawa kayo.

“Tapos bawal ding basta-basta hawakan ng lalaki ang babae. Tapos ‘yung make-up artist ko na bading naman bawal akong hawakan while crossing the street,” kuwento ni Shaina.

Kinailangan nilang sundin lahat ng rules dahil natatakot silang baka hindi nila matapos ang taping.

Samantala, kinumusta naman namin ang relasyon nila ngayon ni John Lloyd Cruz.

Okay na raw sila at totoong nagkabalikan sila last December, “Kaya masaya ang Pasko at Bagong Taon namin.”

Nakasama nga raw si Shaina sa Christmas vacation ng pamilya ni Lloydie sa Singapore, “Wala ng problema, may naririnig pa ba kayo?

Wala na, di ba? Ang tahimik! Malakas ako sa Diyos, idinasal ko lahat,” natawang sabi ng dalaga.

“I can say na mas tumaas po ang respeto namin sa isa’t isa.

Siguro na-realize namin ‘yung worth namin sa isa’t isa.

Mas alam na niya ang needs ko, ang needs niya, and definitely, natutuwa ako kasi mas nirerespeto niya ang pamilya ko ngayon, lalo na ang tatay ko,” ayon kay Shaina.

Dahil nasa marrying age na si Lloydie, paano kung yayain na siya? “Malayo pa po, tatlong taon pa ang kontrata ko sa ABS.”

Read more...