Nancy Binay, humahanap ng damay

BAKA hindi matapos ang palitan ng salita sa pagitan ng Malakanyang at Senado tungkol sa pakikialam ni Pangulong Noynoy sa takbo ng imbestigasyon sa katiwalian na diumano’y sangkot si Vice President Jojo Binay.

Sinabi ni PNoy na mukhang mabagal ang pag-usad ng imbestigasyon.

Sagot ni Pimentel kay PNoy, huwag mo kaming pakialaman.

Giit naman ni Secretary Sonny Coloma, isa sa mga tagapagsalita ng Palasyo,
inihahayag lang daw ng pangulo ang kanyang opinyon.

Kapag nagsalita pa si Pimentel, sasagot naman ang Malakanyang and so on and so forth.

Ang aking opinyon bilang miron: Dapat hindi nagsalita si PNoy na mabagal ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon subcommittee.

Una, di naman siya ang iniimbestigahan.

Pangalawa, kapantay ng Senado ang Executive branch of government.

Para kasing dinidiktahan ng pangulo ang Senado sa tinuran niyang yun.

The President should have kept his opinion to himself.
***

Si Manuel Mejorada, na nagpaparatang kay Senate President Franklin Drilon ng plunder, ay Wikipedia at tsismis lang pala ang kanyang pinagbabasehan!

Susmaryosep, Mejorada! Magsasampa ka ng demanda sa Office of the Ombudsman at the Senado dahil lamang sa tsismis?

Karamihan ng impormasyon sa Wikipedia ay unverified.

Kung totoo kang investigative journalist na sinasabi mo, Mejorada, di ka basta-basta maniniwala sa mga tsismis.

Ang isang investigative journalist ay nagtitiyaga sa research sa mga government documents at public records. Iniisa-isa niyang hinihimay ang mga impormasyon na kanyang nakakalap.

Tama ang sinasabi ni Drilon tungkol sa iyo: You’re just sourgraping.

Sumama ang iyong loob dahil di ka napag-
bigyan ni Drilon na irekomenda ka bilang undersecretary sa isang government office.
***

Ang tinutukoy ni Mejorada na gumawa ng plunder si Drilon ay ang construction ng Iloilo Convention Center (ICC) kung saan idadaos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa taon na darating.

Sinampahan din niya ng kasong plunder sina Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson at Tourism Secretary Ramon Jimenez dahil diumano’y kasabwat nila si Drilon sa overpricing ng construction ng ICC.

Sina Singson at Jimenez ay corrupt?

Sila ang itinuturing na malilinis na Cabinet members at walang mga bulong-bulungan na sila’y sangkot sa mga anomalya.
***

Sinupalpal ni Drilon ang neophyte senator na si Nancy Binay na nagtanong kay Singson kung may mambabatas na nag-endorso sa pagpopondo ng proyekto.

Sumabat si Drilon at sinabi kay Binay na dapat siya ang tanungin.

“Huwag ka nang magpaliguy-ligoy pa, bakit di mo ako tanungin sa aking ginampanan sa pagpondo ng ICC?”? sinabi ng Senate President sa bagong senador.

Nang tanungin ni Binay kung magkano ang pondo na hiningi ni Drilon sa angulo, sinupalpal ng nakakatandang senador ang batang senador.

“Ano ang kahalagahan ng tanong? Ang isyu ay overprice. Wala namang pruweba na may overprice. May ebidensiya ba na may patong sa pagpopondo ng proyekto? Tatlong oras na tayo dito pero wala pa akong narinig na may ninakaw na pera sa proyekto. Ang pinagbabasehan ay ang Wikipedia,” sabi ni Drilon.

Baka ibig palabasin ni Nancy Binay na hindi lang ang tatay niyang si Vice President Jojo Binay ang sangkot sa mga “tongpats” sa mga proyekto sa gobyerno kundi ibang opisyal din na gaya ni Drilon.

Halata si Nancy Binay sa kanyang line of questioning.

Humahanap ng damay si Senator Binay.

Read more...