Nietes napanatili ang WBO title

NAPANATILI ni Donnie “Ahas” Nietes ang hawak na World Boxing Organization (WBO) junior flyweight title sa ikalimang pagkakataon matapos talunin si Carlos Velarde ng Mexico sa pamamagitan ng technical knockout sa ikawalong round ng kanilang title fight noong Sabado ng gabi sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino sa Cebu City.

Dahan-dahan na itinayo ni Nietes ang kanyang kalamangan sa harap ng mga kababayang nanonood ng laban. Subalit nagbago ang takbo ng laban bunga ng accidental head-butt sa pagtatapos ng ikapitong round kung saan nagkaroon ng sugat sa kaliwang kilay si Velarde. Hindi naman nagawang maayos ang nasabing sugat kaya napilitan ang kampo ni Velarde na ibigay ang laban kay Nietes.

Sinorpresa naman ng mas batang si Velarde ang Pinoy champion matapos nitong baguhin ang estilo sa pamamagitan ng malapitang bakbakan.

“I had a hard time,” sabi ni Nietes. “But I countered that with body punches and, luckily, he refused to continue the fight.”

Si Nietes, na napanalunan ang titulo noong 2011, ay umangat sa 34-1 karta kabilang ang 20 knockouts. Nahulog naman ang karta ni Velarde sa 26-4 na may 14 KOs.

Ang panalo ay naglapit naman kay Nietes na mabura ang record na hawak ni Boxing Hall of Fame member Gabriel “Flash” Elorde, ang Filipino boxing legend na tangan ang record na pinakamahabang paghahari sa junior lightweight division na pitong taon at tatlong buwan noong 1960s.

Si Nietes ay hindi pa natatalo magmula nang makuha ang kanyang unang WBO title sa 105-pounds division noong 2007 at malalampasan niya ang record ni Elorde ngayong Enero.

Read more...