Matagumpay na isinagawa ng Movie and Television Review and Classification Board ang ikalawang “Family and Child Summit” na ginanap sa GT-Toyota Asian Cultural Center, UP Diliman last week.
Pinamagatang “Matalinong Panonood Para sa Pamilya at Lipunan nina Juan at Juana”, ang summit ay dinaluhan ng halos 800 indibidwal na karamihan ay mga magulang, kabataan, mga guro, mga miyembro ng iba’t ibang paaralan, unibersidad, organisasyon, lokal na komunidad at kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng industriya ng telebisyon at pelikula.
Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na nakibahagi sa summit ay sina Rep. Mel Senen Sarmiento ng 1st District ng Samar, MMDA Undersecretary Alex Ramon Cabanilla, PCOO Assistant Sec. CJ Licudine bilang kinatawan ni PCOO Sec. Sonny Coloma, at NCCT Executive Dir. Delia Hernandez.
Naroon din ang Philippine Dragon Boat Team bilang kinatawan ni Gen. Romeo Gan at AFP Civil Relations Services, gayundin ang kinatawan ng NDRRMC at Bureau of Fire Protection.
Nakiisa rin ang mga lider at kinatawan ng iba’t ibang simbahan at religious organizations gaya nina Fr. Joselito Jopson ng CBCP Episcopal Commission on Social Communications, Fr. Jojo Buenafe ng TV Maria, Fr. Arnold Abelardo, CMF ng Claret Urban Poor Apostolate, Sr. Praxedes Paloma at Sr. Mennen Alarcon na mula sa media congregation ng Daughters of St. Paul, Pastor Dennis Sy ng Victory Church Greenhills at ang Ministro ng Iglesia ni Cristo at INC TV Station Manager Rommel Sanvictores.
Nakilahok din ang mga pinuno at kinatawan ng industriya ng pelikula at telebisyon at ng cable companies gaya nina ABS-CBN Business Unit Head Raymond Dizon, INC TV Executive Erwin Galapon at Philippine Cable TV Association Representative Sam Lanuza, at mga kinatawan ng GMA, GMA News TV, TV5, Net25, TAPE, Christian Broadcasting Network (CBN), Solar Entertainment, at Global News Network (GNN).
Bukod sa layuning mabigyan ng media empowerment ang mga magulang at nakatatanda hinggil sa mga programa at pelikulang pinapanood ng kani-kanilang pamilya, lalo na ng mga kabataan; higit na layunin din ng summit na mahikayat ang mga kalahok na magkaroon ng isang aktibong lipunan na may kolektibong kaalaman at pang-unawa sa mga ratings system bilang parte ng pagiging isang responsable at matalinong manunuod.
Dalawang pangunahing tagapagsalita ang naging parte ng summit. Tinalakay ni Rep. Leni Robredo ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur ang paksang, “Local Communities as Agents for Discerning Viewership and Audience-Sensitive Media.”
Ibinahagi rin niya kung paano nakakatulong ang film at TV ratings system sa paggabay sa kanyang mga anak sa mga pelikula at programang kanilang pinapanuod.
Sumunod na tagapagsalita ay si Sen. Bam Aquino na ibinahagi ang kanyang pananaw sa paksang, “How Law Can Empower the Family as an Agent of Societal Change in Media and Entertainment.”
Pinangunahan naman ni Chairperson Toto Villareal, kasama ang indie director na si Ellen Ongkeko-Marfil at MTRCB Board Member Eric Mallonga, ang talakayan ukol sa Children’s Cinema.
Parte rin ng programa ang paglulunsad ng 2015 MTRCB Film and TV Infomercial sa direksyon ni Joey Reyes na tampok ang celebrity couple na sina Ryan at Judy Ann Santos-Agoncillo.