MATAPOS dominahin ang Palarong Pambansa, ang kompetisyon sa 2014 Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg ang sunod na pinagharian ni Maurice Sacho Ilustre nang tapusin niya ang swimming competition na hindi natalo sa limang individual events na sinalihan na ginawa sa Naga City Sports Complex.
Kinatampukan ng 14-anyos mag-aaral ng La Salle Zobel ang kahanga-hangang ipinakita nang lampasan ang mga Philippine junior records upang patunayan na isa siya sa mga top male swimmers ng bansa.
Tinawag na ‘halimaw’ dahil sa husay sa paglangoy, si Ilustre, na ang mga kapatid na babae na sina Bianca at Ingrid Ilustre ay mga batikang swimmers sa UAAP sa koponan ng La Salle, ay nagwagi sa boys’ 13-15 1,500m freestyle (17:27.26), 400m freestyle (4:18.26), 200m butterfly (2:09.97), 200m freestyle (1:59.68) at 100m butterfly (59.10).
Ang kanyang bilis sa 200m freestyle at 200m butterfly ay mas mabilis sa Philippine juniors records na 2:09.97 at 1:59.68 na hawak ni Ilustre mismo at ni Nikita Dacera. Hindi pa maideklara bilang official records ang mga ito hanggang hindi nakokonsulta ng NSA sa swimming.
“Hindi naman po, normal po ako at nadadaan lang po sa pagsasanay,” wika ni Ilustre ng Muntinlupa na nagtala ng 7-of-7 sa Palaro sa Laguna.
Kakaiba ang langoy na nakita kay Ilustre sa taong ito dahil sa huling dalawang Batang Pinoy Luzon elims ay hindi siya nanalo ng gintong medalya at umabot sa National Finals.
“Kinargahan po kasi ang ensayo ko at pati ang stroke at efficiency sa paglangoy ko ay itinama na. Hindi ko naman po expected na kukunin ang limang gold medals after maging Most Bemedalled Swimmer ng Palaro pero confident po na kaya ko,” sabi pa ni Ilustre.