WALANG planong tumakbo sa kahit anong posisyon sa gobyerno ang Kapuso TV host-news anchor na si Kara David.
Nakachika namin ang award-winning documentarist sa pocket presscon ng 15th anniversary ng I Witness kamakailan kasama ang dalawa pang host ng public affairs show ng GMA na sina Jay Taruc at ang friendship nating si Sandra Aguinaldo. Wala naman sa presscon ang isa pang host na si Howie Severino. Dito nga namin natanong si Kara kung nai-imagine ba niya ang kanyang sarili na nasa mundo ng politika.
“Wala talaga, e. I feel na mas makakapagbigay ako ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa pamamagitan ng ginagawa ko ngayon, bilang tagapaghatid ng mga istoryang kapupulutan ng aral ng bawat Filipino at ng ating gobyerno,” ani Kara.
Feeling kasi niya nakaka-stress lang yung proseso na pagdaraanan niya sakaling pasukin niya ang magulong mundo ng politics, samantalang sa ginagawang niyang “public service” sa pamamagitan ng kanyang mga dokumentaryo sa I Witness.
Mas marami siyang natututunan at mas marami siyang nae-experience sa paglilibot sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas para maghanap ng mga eye-opener, touching and inspiring stories ng mga kapwa nating Pinoy na hindi pa nabibigyan ng atensiyon ng pamahalaan.
Sabi pa ni Kara, dahil sa pagka-attach niya sa ilang subjects na ibinabahagi niya sa I Witness, nagdesisyon siyang magtayo ng isang foundation, ang “Project Malasakit” – isang scholarship program para sa kapuspalad na mga kabataan na nagsimula pa noong 2002. “Project Malasakit believes that Filipinos are naturally compassionate. We just need a credible, concrete vehicle to channel our malasakit. It is our mission to bridge the gap between Filipinos who want to help and Filipino children who need to be helped,” sabi pa sa amin ni Kara.
Kabilang din sa tinutulungan niya ngayon ay ang isang tribo ng mga Mangyan sa Mindoro, kung saan nakapagpatayo na sila ng ilang health centers at solar panel sa nasabing lugar.
Samantala, sa unang hirit ng ika-15 taong anibersaryo ng I Witness, mapapanood ngayong gabi sa GMA 7 ang “Hindi Bulag Ang Puso”, isang dokumentaryo ni Kara David tungkol sa school teacher at ng kanyang mga estudyante sa isang lugar sa bandang Norte.
Halos 26 na taon nang nagtuturo si Martha Bitaga. Gaya ng ibang guro, nais niyang mapabuti ang buhay ng kanyang mga mag-aaral. Ngunit hindi madali para sa kanilang lahat ang maging matagumpay sa kanilang mga pangarap, lalo na sa mga estudyanteng hindi nakakakita.
Naaalala pa ni Nexiemar Abilang kung ano ang kanyang nakita noong maayos pa ang kanyang paningin, ngunit sa edad na 11, maulap na ang kanyang mga mata. Pero maliwanag ang kanyang pangarap, gusto niya ring maging guro sa kanyang paglaki. Ito at iba pang nakakaantig na kuwento ng mga batang nabubuhay sa dilim ngunit nangangarap pa rin ng isang maliwanag na kinabukasan.
Ngayong gabi na ‘yan mapapanood sa isa na namang makabuluhang episode ng I Witness, 10:30 p.m. pagkatapos ng Celebrity Bluff. Abangan din sa mga susunod pang Sabado ang mga anniversary docu nina Sandra, Jay at Howie.