Remembering Larry Albano | Bandera

Remembering Larry Albano

Barry Pascua - November 14, 2014 - 12:00 PM

REMEMBER Larry Albano?

Marahil ay hindi na naaalala ng mga batang basketball fans ang pangalang ito. Pero para sa mga ka-edad ko at higit sa lahat sa mga taga-Letran, aba’y haligi ng basketball si Larry.

Kasi’y nabigyan niya ng tatlong Sunud-sunod na kampeonato ang Letran Knights sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament mula 1982 hanggang 1984.

Noon mga panahong iyon, ang Letran Knights ay pinangungunahan nina Avelino “Samboy” Lim, Romeo Ang, Jerry Gonzales, Jojo Cuison, Tony Cabatana at Tonichi Pujante.

Si Larry (o Laurentino) ay kasabayan ni Freddie Webb na naglaro sa Letran. Nagsilbi rin siya bilang team manager ng koponan noong 1966.

Mula noon ay naging aktibo siya sa mga programa ng Letran. Noong 1977 ay nahirang siyang coach ng Squires, ang junior team ng Letran.

Tatlong taon din niyang hinawakan ang koponang ito na napagkampeon niya noong 1979 nang dumating sa kanila si Antero “Terry” Saldaña na siyang nagdomina sa junior division ng NCAA sa taong iyon.

Puwede sanang naging back-to-back champions ang Squires dahil sa nandoon pa rin sa koponan si Saldaña noong 1980. Ang siste’y hindi natapos ang season na iyon dahil sa nagkagulo ang isang Letran-La Salle game. Itinigil ang basketball season at walang nagkampeon.

Hindi na pumanhik sa senior team si Saldaña at sa halip ay naglaro sa Toyota bilang pinakabatang player sa PBA.

Pumanhik naman sa senior team si Albano noong 1981. Dahil sa minana lang niya ang senior team at hindi naman siya ang nagmolde nito ay nahirapan siyang igiya ang koponan sa tagumpay. Sa pagtatapos ng season ay ni-revamp niya ang team at nagpanhik ng mga dating manlalaro niya buhat sa Squires.

At kasamang nailagay sa lineup ang isang batambatang Samboy Lim na nagbuhat sa isang village tournament sa Philamlife Subdivision. Actually, puwede na niyang ilagay sa lineup ng Knights si Lim noong 1981 subalit isang linggo na lang bago mag-umpisa ang NCAA nang madiskubre niya ito. Oo, pinaghintay niya ito ng isang taon bago napasama sa team.

Tatlong sunud-sunod na NCAA titles ang napanalunan ng Kights. At sa huling taon ni Albano noong 1984 ay nakamit nila ang titulo nang hindi nakakatikim ng talo!

Kaya naman sa ika-30 taong anibersaryo ng makasaysayang accomplishment na iyon ay pararangalan ng Letran ang 1984 Knights kasabay ng homecoming na gaganapin sa Nobyembre 15 sa Letran grounds.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit buhat sa kanyang tirahan sa Staten Island sa Estados Unidos kung saan halos 30 taon na naninirahan si Larry ay umuwi siya rito sa Pilipinas.

Halos walong oras kaming nagkuwentuhan ni Larry sa isang kainan sa Tomas Morato. Mahirap isaksak sa isang kolum ang lahat ng napag-usapan namin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya uunti-untiin ko sa mga susunod kong pitak ang mga paksang napag-usapan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending