Daos gagawa uli ng marka sa Batang Pinoy

HANDA uli si Kirsten Chloe Daos na paingayin ang kanyang pangalan sa pool competition sa idinadaos na 2014 Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg na ginagawa sa Naga City Sports Complex sa Naga City.

Ang Most Outstanding Swimmer sa 2012 Batang Pinoy sa Iloilo, bilang isang elementary swimmer nang winalis ang pitong nilahukang events, ay humakot na ng dalawang gintong medalya sa larangan ng girls’ 13-15 800m freestyle (9:53.57) at 400m freestyle (4:47.34).

May tatlo pang individual events at dalawang relays ang sasalihan ng 15-anyos at kinakatawan ang Quezon City sa edisyong ito at nananalig siyang maipanalo ang lahat ng natitirang events.

“Hindi naman po puwedeng makasiguro dahil marami rin pong malalakas,” wika ni Daos na kasapi na rin ng national developmental team mula pa noong nakaraang taon.

Determinado si Daos na kuminang dahil bukod sa huling taon na niya ito sa kompetisyong pinatatakbo ng Philippine Sports Commission (PSC) at may suporta pa ng Philippine Olympic Committee (POC), hindi rin siya makakasali sa National Finals sa Bacolod mula Disyembre 9 hanggang 13 dahil kasama siya sa pambansang delegasyon sa training camp sa Qatar.

Kondisyon ang second year estudyante sa Immacute Concepcion Academy sa Greenhills, San Juan dahil galing lang siya sa paglangoy sa FINA World Championships Cluster 3 sa Singapore noong Nobyembre 1 at 2 at kahit hindi siya nanalo sa limang events, ang nakuhang karanasan na makalaban ang mga bigating swimmers ay magagamit niya sa tagisang ito.

Hindi nagpapahuli ang batang manlalangoy ng host Naga City na si Kurt Anthony Chavez na may dalawa ring napanalunang ginto sa larangan ng boys’ 12-under 1500m freestyle (18:53.09) at 400m freestyle (4:48.72).

Nakadalawang ginto na rin si Maurice Illustre ng Muntinlupa nang nanalo sa boys’ 13-15 1500m freestyle (17:27:26) at 400m freestyle (4:18:26).

Read more...