Pinoy nagnakaw ng credit card, kulong sa Vietnam

DUMULOG sa Bantay OCW si Aling Linda hinggil sa kalagayan ng anak na nakakulong sa Vietnam.

Kwento ni Aling Linda, noong 2012 nang ayain ang anak ng kaibigan nito na magtungo sa Vietnam gamit ang tourist visa.

Kasama niyang umalis ang girlfriend. Pagdating sa Vietnam, nasangkot umano sa ilegal na gawain ang anak.

Nagnakaw daw ito ng credit card mula sa isang Japanese national. Ginamit nila ang naturang credit card at pineke ang pirma ng Hapon.

Nahuli ang kanyang anak at mga kasamahan nito. Sila ay sinampahan ng kasong fraud at kasulukuyang nakakulong sa Vietnam. Patuloy pa ring dinidinig ng korte ang kaso ng anak.

Personal pang sinamahan ni Atty. Deo Grafil, head ng Legal on OFW Concerns mula sa tanggapan ng Presidential Adviser on OFW Concerns.

Ayon kay Atty. Grafil, napag-alaman nila mula sa DFA na nagsumite ng apela ang anak ni Aling Linda at sa kasalukuyan ay hinihintay nila ang magiging desisyon ng Korte ng Vietnam hinggil dito.

Nais sanang madalaw ni Aling Linda ang anak sa kulungan ngunit wala naman siyang kakayahan upang magtungo doon.

Wala siyang perang gagastusin upang makabiyahe.

Hindi naman OFW ang kanyang anak. Kaya’t wala siyang mga pribilehiyo upang tratuhin ang anak bilang isang OFW.

Walang probisyon ang gobyerno ng Pilipinas na gastusan ang ganitong mga kaso.

Payo ng Bantay OCW kay Aling Linda, sa halip na pinoproblema niya na makarating sa Vietnam, kahit pa nga sabihin pang may pera naman siyang gugugulin, mas maigi nang ipadala na lamang niya iyon dahil kailangan niyang pagbayaran ang kanyang mga ninakaw.

Payo rin naman sa kanya na huwag na niyang pilitin ang hindi niya kaya dahil meron talagang mga bagay na hindi natin kontrolado. Hayaan niyang pagbayaran ng kanyang anak ang krimeng ginawa nito. Lahat ng kasalanan, may palaging katumbas na kabayaran.

Hiling din sana niya na makausap ang anak kahit isang tawag man lang sa telepono. Kung ipinagkakaloob iyon sa Vietnam, okay lang sana. Ngunit mas madalas na hindi pinapayagan ang mga bilanggo na makausap ang kanilang mga kamag-anak kahit sa telepono.

Praktikal na payo ni Atty. Grafil, gumawa na lamang siya ng sulat sa anak at tutulungan na lamang siya na maipara-ting iyon.

Hindi na rin naman bata ang kanyang anak. May sarili na itong pag-iisip at may sariling desisyon.

Sa kasong ito, limitado lamang ang maaaring magawa ng kanyang ina. Ang maghintay na lamang sa ibabalita ng ating Phillippine Embassy sa Vietnam hinggil sa magiging resulta ng kaso doon.

Kung anuman ang pinal na desisyon ng Korte saka pa lamang malalaman ni Aling Linda kung ilang taon pa dapat makulong ang anak.

Narito naman ang Bantay OCW upang patuloy na umalalay sa inang naghihinagpis.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Mag email sa bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870

Read more...