MAGKAKAROON nga kaya ng rigodon sa Gabinete ni Pangulong Aquino, mahigit isang taon bago matapos ang kanyang administrasyon?
Mukhang hindi na happy si PNoy sa mga nababalitaan niya tungkol sa mga iniluklok niya sa puwesto para makatuwang sa pagtupad nang ipinangako niyang tuwid na daan.
Isang Cabinet official daw ang napipisil na sibakin sa pwesto dahil ngayon pa lang ay nakikipag-usap na sa isang nangangarap tumakbong presidente sa 2016.
Ngayon pa lang ay palihim na gustong tumalon sa kabilang bakod kaya naiinis ang mga kakampi ni PNoy.
Siguro ayaw lang maalis sa poder nitong opisyal na ito kaya nagsisiguro siya na may makakapitang malakas na kandidato para muling makapuwesto sa susunod na administrasyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa nang nasabing Cabinet official. Noon ay nagtaksil na rin ito sa pangulo na kumuha sa kanya.
Pakiwari ko ay nakarating ito sa Pangulo kaya lumabas sa mga umpukan na sisibakin na ito.
Pero mukhang may taglay na swerte itong Cabinet official na ito dahil mukhang mauunahan pa siya ng isang appointee na sisibakin na rin sa pwesto.
Kasi naman nabuko ang ginawa niyang paghingi ng imported luxury vehicle.
Marahil ay nagpatong-patong na rin ang mga naririnig na kuwento ng Malacanang tungkol sa ginagawa ng appointee na ito.
Gaya ng kanyang paghingi ng “processing fee” sa mga mambabatas noong mayroon pang pork barrel fund. Ang tingin tuloy sa kanya ng mga mambabatas ay “matakaw.”
Kahit na binabansagang matakaw itong appointee na ito, hindi naman siya tumataba. Healthy living siya marahil.
Isa namang miyembro rin ng Cabinet ang napi-pisil namang ilipat sa isang ahensya na kilalang gatasan ng mga tiwaling pulitiko.
Ang Cabinet member na ito ay hindi kilalang kurakot kaya marahil siya ang naisip na ilagay sa money making agency na ito.
Pero papayag naman kaya siya dahil demotion kung tutuusin ang planong paglipat sa kanya.
At ang isa pang dapat niyang pagnilay-nilayan ay baka magamit siya para makaipon ng panggastos sa nalalapit na eleksyon.
Itong opisyal na ito ay minsan nang napuna dahil hindi siya pumila at pinayungan pa.
Ang palagay ng iba ay nabawasan ang init kay Vice President Jejomar Binay nang lumabas ang litrato ni DILG Sec. Mar Roxas sa Esquire magazine para sa paggunita sa pananalasa ng Yolanda.
Kung dati ay nakatutok lamang ang batikos kay Binay, ngayon binabanatan na rin si Roxas.
Pero kung papaniwalaan ang mga palapalagay baka raw hindi pabor kay Roxas ang paglalagay ng kanyang litrato sa magazine.
Sino ba naman daw ang papayag na mailagay sa magazine na ang litrato ay nakangiti gayong ang topic ay kalamidad?
At alam ng kampo ni Roxas na hindi magiging maganda tignan kung ilalabas ang kanyang litrato dahil binabanatan nga ang gobyerno dahil naging makupad daw kaya hanggang ngayon ay marami pa ring nakatira sa mga tent at bunk houses.
Hindi man sinasadya ng Esquire ang paglabas ng litrato minalas dito si Roxas dahil binabatikos siya dahil dito.