EXCITED sina Kim Chiu at Xian Lim sa reunion project nila with Comedy Queen Ai Ai delas Alas – ang latest movie ng Star Cinema na “Past Tense” directed by Mae Cruz-Alviar na showing na sa Nob. 26.
Unang nagkasama ang tatlo sa seryeng My Binondo Girl. Hindi na bago ang papel ni Xian sa movie na isang matabang nerd dahil nagawa na ito ni Sam Milby sa pelikulang “My Big Love” noong 2008 kasama sina Toni Gonzaga at Kristine Hermosa na idinirek ni Jade Castro.
Ang kaibahan lang ay ang tema ng kuwento kung saan gagampanan naman ni Kim ang isang babaeng nakita na ang kanyang “future self” na gagampanan naman ni Ms. A.
Si Xian naman ay na-challenge sa palaging pang-aasar sa kanya ni Kim kaya nagpapayat siya nang husto hanggang sa maging hunk. Samantala, dahil nga “Past Tense” ang title ng movie, natanong ang cast kung ano ang gusto nilang kalimutan sa kanilang nakaraan nila lalo na pagdating sa lovelife.
Kuwento ni Ai Ai, “Sa akin base sa pagkakakilala ninyo sa akin, wala! Never akong na-tense sa past ko, never. Hindi ako maka-relate. Never akong makaka-relate sa past ko, kasi plastic ako! Ha-hahaha!”
Sabi naman ni Kim, “Oo naman, nakaka-tense naman talaga ang past, pero kapag nag-future tense na, wala na talaga ang past.” At si Xian, “Tulad ng sinabi ni Kim, nakaka-tense talaga ang past, but once napagdaanan mo na ‘yung tensyon na ‘yun, ‘yung future mas malinaw na at mas maa-appreciate mo na.”
May past experiences ba sina Kim, Xian at Ai Ai na hindi nila makalimutan at bakit? Tugon ni Xian, “Back in high school (Amerika), kakadating (kakalipat) ko lang po sa school, marami pong may ayaw sa akin, hindi naman dahil sa ugali ko, I’m just different kasi galing po akong Pilipinas.
“Sa school po, hindi po ako medyo naiintindihan so maraming haters, maraming nagbu-bully kasi hindi ka nila gusto. “So, in high school, I felt very alone, I felt very sad, so maybe kung sana mababalikan ko lang ‘yun at mas sana kumilos ng tama sa harapan ng tao, siguro marami akong naging kaibigan noong high school at mas nahulma pa sana ako ngayon, sana mas nakakapag-reach out ako sa mga tao, so ‘yun po ang gusto kong baguhin, lagyan ng tuldok,” anang binata.
Si Kim naman, “Gusto kong lagyan ‘yung sa amin ng mama ko at papa ko. ‘Yung parang hindi ko sila masyadong pinapahalagahan kasi (maraming tanong) parang bakit ninyo kami iniwan?
“Nandoon po ‘yung galit ko siguro nagtatanong kung bakit. Ilang years po kaming hindi okay ng papa ko, saka life is short kaya kalimutan ang dapat kalimutan. Mabalik ko man, sana nagkaroon ako ng father figure sa pagkatao ko.
Ngayon, I’m making up for it, sayang sana noong bata pa ako,” paliwanag pa ng aktres. At sey naman ni Ai Ai, “Ang gusto ko nang tuldukan, dati kasi may angst ako na hindi ako naging flight stewardess.
Tapos ngayon, pag nakasakay ako sa eroplano ngayong artista na ako, tapos sila (flight stewardess) ‘yung nagse-serve, maganda rin naman pala na naging artista ako kasi ako ‘yung tulog at kung naging flight stewardess ako, ako ‘yung gising at nagsisilbi, di ba?
“At least ngayon, natutulog ako sa eroplano, although puyat din ako as artista, pero at least, hindi ako nakatayo forever, nakakatulog ako at parehong maganda rin ang damit namin.
“Pero kung tungkol naman sa love life, tinuldukan ko na po ‘yan, ayoko nang balikan na ikinasal ako ng 29 days. Gusto ko in the future maging 29 years naman kaming kasal ng future ko,” dagdag pa ni Ai Ai.
Inamin naman ni Kim na kabado siya sa “Past Tense” dahil nga malaki ang expectations sa kanila ni Xian dahil ang huling pelikula nilang “Bride for Rent” ay talagang humataw ng husto sa takilya.
“Siyempre may kaba naman sa lahat. Pero mas nakakakaba lang ngayon kasi siyempre may pagku-compare, ganyan. Siyempre iba rin yung nagawa namin dati, eto sobrang kinakabahan kami.
Siyempre sana nandiyan pa rin yung suporta ng mga tao,” say ng tsinitang aktres.