NAKAGISNAN na nating mga Pinoy na tawaging motor ang mga sasakyang de-motor na may dalawang gulong. Motor ang tawag natin sa motorsiklo at sa scooter na parehong may dalawang gulong at may makina na nagpapa-usad dito.
Parehong matipid sa gasolina ang mga ito kaya marami ang bumibili. Ano nga ba ang pagkakaiba ng motorsiklo at scooter?
Ang motorsiklo ay karaniwang kinakabitan ng sidecar para maging tricycle.
Sinasabi na ang pagsakay sa motorsiklo ay katulad ng pagsakay sa kabayo dahil sa porma ng kaha nito. Mas relax naman ang pagsakay sa scooter dahil kalimitan na mayroon itong step board o step through frame o flat board kaya parang naka-upo ka lang na nakalapat ang mga paa sa sahig.
Ang isang babae na nakapalda ay mahihirapan magmaneho ng motorsiklo hindi katulad sa scooter kung saan maaari niyang pagdikitin ang kanyang mga hita.
May kambyo ang motorsiklo na kailangang apakan upang tumaas o bumaba ang gear. Mas maliit ang makina ng scooter kaya kalimitang may automatic transmission ito.
Gayunman may mga motorsiklo ngayon na automatic na rin ang transmission. Kaya naman mas madaling matutunan ang pagmamaneho ng scooter kaysa sa motorsiklo.
Ang makina ng scooter ang nag-a-adjust kung anong transmission gear ang gaga-mitin depende sa pagpihit ng accelerator ng nagmamaneho.
Kailangan namang i-adjust ng driver ng motorsiklo ang gear kung anong bilis ang nais niyang takbo. Malaki ang makina ng motorsiklo kaya mas mahirap itong kontrolin bukod pa sa kalimitang mabigat ang kaha.
Ang malaking makina naman ng motorsiklo ang nagbibigay dito ng kakayanan na tumakbo ng mas mabilis. Ang makina ng scooter ay nasa 50cc hanggang 150cc lamang.
Mayroong mga gumagawa ng 250cc na scooter pero delikado na itong patakbuhin sa ganitong bilis dahil sa magaan nitong kaha. Ito ang dahilan kaya di pinapayagan ang scooter sa mga expressway, maaari kasi itong ‘liparin’ kapag nadaanan ng mga mas malalaki at mas mabibilis na sasakyan.
Hirap din ang scooter kung kakabitan ng sidecar na kalimitang gawa sa mabibigat na bakal. Ang makina ng scooter ay madalas nasa likurang gulong samantalang ang motorsiklo ay nasa gitna ng kaha.
Kalimitan din na mas mababa ang mga scooter kumpara sa motorsiklo. Ito ay dahil sa maliliit ang gulong ng mga scooter.
Sa pag-araal, mas ligtas ang motorsiklo kapag tumatakbo ng mas mabilis dahil sa gulong nito.
Mas ligtas naman ang scooter dahil mas madali itong kontrolin kahit na mabagal ang takbo.