Arabo, gising; tayo, zzz

I glimpsed a time when politics was a noble profession and my country was run by statesmen unlike the populists of today. —Leandro Leviste Legarda

IYAN nga ang problema ngayon.  Sikat, at napakasikat, ang mga lider.  Tulad sa Middle East.

Napakasikat ng mga lider doon.

Deka-dekada at habambuhay na panunungkulan.

Mararangyang pamumuhay ng taumbayan.  Hanggang sa magising ang mga Arabo.

Tumayo at nag-alsa.  Napatalsik ang mga sikat na sina Saddam Hussein at Mommar Khadafy, atbp.

Pero, kailanman ay walang kakayahan para sa marahas na pagbabago ang Pinoy, dahil hindi sila sandatahan.

Ang Armed Forces lang ang may kakayahan dahil sandatahan sila.  Pero, may Saligang Batas na sinusunod.

Kung bakit nagising ang mga Arabo ay dahil sobra na sa paglulumunoy sa kasikatan ang kanilang mga lider at nakalimutan na nga ang taumbayan. Sa Mindanao, ay nakalimutan na nga ang taumbayan kung ang serbisyo ng kuryente ang pag-uusapan.

Nang iparating sa Malacañang ay sinabi pa nito na bigyan daw sila ng panahon.

Ha!?  Napakahabang panahon na sa paglilingkod sa bayan ang Ikalawang Aquino.

Siyam na taon siyang nasa Kamara at tatlong taon sa Senado bago inihalal ng nagmamahal na taumbayan sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno, bilang pinakamakapangyarihang opisyal ng bansa.

Hindi basyo ang utak ng politikong naglingkod ng ganyan kahabang panahon.

Mas lalong hindi basyo ang utak ng anak nina Ninoy at Cory.

Napabayaan na ang problema ng kuryente sa Mindanao, at mas madaling sisihin ang nakalipas na admnistrayon dahil hindi na ito makasagot.

Puwede ring isama pa ang mga naunang admnistrasyon dahil tinamaan din sila ng brownout.

Puwede ring sisihin si Cory dahil natuwa ang isang kompanyang Europeo nang biglang naging mabili ang kanilang mga generator sa panahong nagbabalak na sanang mag-alsa balutan sanhi ng matumal na negosyo.

Dapat na ngang magising ang lahat dahil hindi na alam ni Mang Domeng kung paano tuturuan ang tiyan na dalawang beses na lang kumain sa isang araw mapagkasya lang ang kulang na minimum wage.

Walang tinig ang payak at karaniwan.

Pero, may magagawa ang middle class.

Marahil ay nakatali pa rin tayo sa kolonyal na pamumuhay na kailangan ay may mahihirap na walang boses at mangmang para madaling sumunod sa kumpas ng makapangyarihan.

Marahil ay kailangan pa ring sundin ang minana na matutulungan tayo ng panalangin habang walang ginagawa ang mga sikat.

Kung sakaling magising, saan hahanapin ang tunay na statesman?

Read more...