Sinadya ni Karla Estrada na huwag ipaalam sa anak na si Daniel Padilla ang pagsali sa blind auditions ng The Voice season 2.
Sey ng mommy ni DJ, sigurado raw kasi siya na hindi siya papayagan ng anak kapag sinabi niya rito ang kanyang planong pagsali sa nasabing talent search ng ABS-CBN.
“Sasabihin niya, ‘Ma ano ba yan, bored ka ba?’ Hindi ko na sinabi, dire-diretso lang ako. Kasi unang-una, siya yung mas kakabahan. Ayaw niya ako na napapahiya or malungkot,” sey ni Karla sa The Buzz last Sunday.
Inamin naman ni Daniel na na-shock talaga siya nang malaman niya ang tungkol sa pag-o-audition ng ina sa The Voice, “Nagulat ako. Siyempre bakit siya nandoon, ‘di ba?” ani DJ.
Pero sa kabila nito, humahanga siya sa katapangan at lakas ng loob ng kanyang ina dahil nakaya nitong humarap sa buong mundo para i-share ang kanyang talent sa pagkanta.
“Masaya rin ako dahil dream niya talaga na sumali sa mga ganu’ng contest. Nagulat ako pero happy din ako kasi gusto niya,” ani Daniel.
In fairness, talagang pinag-usapan ang pagsali ni Karla sa The Voice, marami ang nang-okray sa kanya at nagsabing hindi na niya binigyan ng kahihiyan ang anak – masyado naman daw siyang ambisyosa at ilusyunada.
Pero kung may nam-bash sa kanya, marami rin ang nagtanggol sa ina ni Daniel. Gusto lang daw siguro nito na ipagpatuloy ang kanyang singing career at kumita rin ng malaking pera para hindi masabihan na palamunin lang siya ng anak.
Bagsak si Karla sa audition dahil wala sa apat na coach ng show ang umikot, pero sey ng aktres-singer, “Siyempre nu’ng sumali ako, nasa isip ko na talaga na kung saan lang ako pwede. Ang gusto ko lang ma-experience ko talaga.”