Mga Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Kia vs Alaska
7 p.m. Meralco vs Talk ‘N Text
MATINDING opensiba ang inilatag ng Barangay Ginebra San Miguel Kings tungo sa dominanteng 89-66 pagwawagi laban sa Purefoods Star Hotshots sa kanilang 2014-15 PBA Philippine Cup game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maagang umarangkada ang Kings sa pagtala ng 10-0 kalamangan sa unang yugto at hindi nila hinayaang mawala ang kanilang bentahe tungo sa pagtala ng ikaapat na panalo sa limang laro para makasalo ang sister team at pahingang San Miguel Beer sa ikalawang puwesto.
Si Joseph Yeo ay gumawa ng 17 puntos para pamunuan ang Barangay Ginebra na may limang manlalaro na umiskor ng double figures.
Nagtala rin ng double-double performance sina Greg Slaughter at Billy Mamaril para sa Gin Kings. Si Slaughter ay nag-ambag ng 14 puntos at 13 rebounds habang si Mamaril ay kumana ng 12 puntos at 13 rebounds.
Si PJ Simon ay kumamada ng 15 puntos para pamunuan ang Hotshots, na nahulog sa 1-3 kartada. Sina Joe Devance at Marc Pingris ay nag-ambag ng 11 at 10 puntos para sa Purefoods Star.
Sa unang laro, nagsanib puwersa sina Alex Cabagnot at Ronjay Buenafe para tulungan ang Globalport Batang Pier na tambakan ang Blackwater Elite, 87-72.
Si Cabagnot ay nagtala ng siyam na puntos, 11 rebounds at siyam na assists habang si Buenafe ay umiskor ng 17 puntos para pamunuan ang Batang Pier, na umangat sa 3-2 karta.