Purefoods, Ginebra magsasalpukan

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Blackwater Elite vs Globalport
5:15 p.m. Purefoods Star vs Barangay Ginebra

ISA na namang kabanata ng Manila Clasico ang masasaksihan sa salpukan ng Purefoods Star at Barangay Ginebra sa PBA Philippine Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon, bahagyang pinapaboran ang Globalport kontra expansion team Blackwater Elite.
Nakapasok sa win column ang defending champion Purefoods Star Hotshots nang magwagi ito kontra Globalport sa likod ng kabayanihan ng point guard na si Mark Barroca.

Pinamunuan ni Barroca ang 12-0 atake ng Hotshots papasok sa huling dalawang minuto ng laro kontra sa Batang Pier.
Nakatulong din sa Hotshots ang pagbabalik ni Marc Pingris na hindi nakapaglaro sa unang dalawang laro nila.

Ang Hotshots ay natalo sa Alaska Milk (93-73) at San Miguel Beer (87-80). Hindi pa rin siguradong makapaglalaro para sa Hotshots ang two-time Most Valuable player na si James Yap na mayroong hamstring injury.

Mawawala naman ng anim na buwan ang sophomore center na si Ian Sangalang matapos maoperahan sa napunit na ACL.
Nakabangon naman ang Barangay Ginebra buhat sa 97-81 pagkatalo sa NLEX sa pamamagitan ng 100-91 panalo laban sa Blackwater Elite upang umangat sa 3-1.

Ang Gin Kings ay humuhugot ng lakas buhat sa mga higanteng sina Greg Slaughter at Japeth Aguilar na sinusuportahan nina Mark Caguioa, LA Tenorio, Jayjay Helterbrand at Mac Baracael.

Matapos na matalo sa Purefoods Star, ang Globalport ay nanalo kontra sa Kia Sorento, 84-79. Ang Batang Pier ay pinangungunahan ng tatlong guwardiya na sina Alex Cabagnot, Terrence Romeo at top draft pick Stanley Pringle.

Samantala, naungusan ng San Miguel Beer ang NLEX, 79-76, sa kanilang out-of-town game na  ginanap kahapon sa Mindanao Civic Center in  Tubod, Lanao del Norte.

Read more...