San Miguel beer, Nlex magtatapat sa Tubod

san miguel

Laro Ngayon
(Tubod, Lanao del Norte)
5 p.m. NLEX vs
San Miguel Beer

SISIKAPIN ng San Miguel Beer at ng NLEX na makabangon sa kanilang pagkatalo noong Miyerkules sa kanilang pagtatagpo sa ikalawang out-of-town game ng PBA Philippine Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte.

Napatid ang three-game winning streak ng Beermen nang sila ay maungusan ng Alaska Milk, 66-63. Nalasap naman ng Road Warriors ang kanilang ikalawang kabiguan sa apat na laro nang matalo sila sa Meralco, 90-75.

Tampok sa larong ito ang sagupaan ng mga big men na sina reigning Most Valuable Player June Mar Fajardo at beteranong si Paul Asi Taulava na sa kabila ng pagiging pinakamatandang manlalaro ng liga ay naging miyembro ng Mythical First Five noong nakaraang season.

Pinarangalan din siya bilang Comeback Player of the Year ng PBA Press Corps. Si Fajardo ay sinusuportahan nina Arwind Santos, Sol Mercado, Chris Lutz at Marcio Lassiter.

Subalit kulang sa karelyebo bilang sentro si Fajardo dahil sa injured sina Doug Kramer at Rico Maierhofer. Ang pagkawalang ito ay pilit pinupunan ng sophomore na si Justin Chua at rookie na si David Semerad.

Masagwa naman ang naging simula ng NLEX laban sa Meralco. Sila ay nilamangan, 25-11, sa pagtatapos ng first quarter. Abante pa ang Bolts ng 20 puntos, 71-51, papasok sa fourth period.

Si Taulava ay nagtapos nang may 24 puntos samantalang nag-ambag ng tig-14 sina Mark Cardona at rookie Juneric Baloria.
Si coach Teodorico Fernandez III ay umaasa din kina Niño Canaleta, Aldrech Ramos, Enrico Villanueva at Mark Borboran.

Balik sa Araneta Coliseum ang aksyon bukas kung saan maghaharap ang Blackwater Elite at Globalport sa ganap na alas-3 ng hapon at magsasalpukan ang Purefoods Star at Barangay Ginebra sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Samantala, tinambakan ng Rain or Shine Elasto Painters ang Barako Bull Energy, 99-71, sa kanilang laro kahapon.

Read more...