Mas ganado ngayon ang Aces

SO far, so good para sa Alaska Milk na siyang tanging koponang hindi pa nababahiran ng pagkatalo ang record sa PBA Philippine Cup.

Apat na sunud-sunod na panalo na ang naitala ng Aces. At hindi basta-bastang mga teams ang pinataob nila. Kung titingnang maigi, pawang mga title contenders kaagad ang nakasagupa ng Alaska Milk. Walang lightweights!

Inumpisahan nila ang season sa pamamagitan ng 93-73 tagumpay kontra sa defending champion Purefoods Star Hotshots. Isinunod nila ang Talk ‘N Text, 100-98.

Pagkatapos ay tinambakan nila ang Meralco Bolts, 105-64. At noong Miyerkules ay naungusan nila ang San Miguel Beer, 66-63.
Sa unang tatlong games nila ay ipinakita ng Aces na kaya nilang makipagsabayan at makipagtakbuhan sa kanilang kalaban.

Laban sa Beermen, aba’y pinatunayan nilang puwede rin silang lumaban ng tiyanian. Puwede ring depensa ang kanilang gamitin upang magwagi sila.

Proud na proud si coach Alex Compton na sa panalo nila kontra San Miguel Beer ay nalimita nila ang Beermen sa 63 puntos. Okay lang sa kanya na nalimita rin sila sa 66 puntos.

“The effort of the guys was great, I couldn’t be happier,” ani Compton na nasa ikalawang conference niya bilang coach ng Aces matapos na halinhan si Luigi Trillo sa umpisa ng Governors’ Cup noong nakaraang season.

Ibang-iba na ang itinatakbo ng Aces ngayon dahil sa tunay na sistema na ni Compton ang umiiral. Nagkaroon siya ng mahigit tatlong buwan upang ipaunawa sa Aces ang kanyang sistema.

Bukod sa depensang ipinamalas ng Aces, pinatunayan din nila na hindi sila umaasa sa iisang tao lamang. Kasi nga’y hindi nakapamayagpag sa opensa si Calvin Abueva na gumawa lang ng limang puntos bagamat humugot ng 18  rebounds.

Maraming nagsilbing bayani para sa koponan. Marami ang nag-step-up nang kinakailangan nilang gawin iyon. Sa dakong huli ay si JVee Casio ang siyang nagbida para sa Alaska Milk nang gumawa ito ng isang three-point shot at dalawang free throws upang siguraduhin ang panalo ng kanyang koponan.

Sa totoo lang, iyon pa rin naman ang mga manlalarong inaasahan ni Compton kahit pa nagdagdag siya ng dalawang rookies (Chris Banchero at Rome dela Rosa) at dalawang beterano (Eric Menk at Josh Vanlandingham).

Pero ngayon ay tila mas ganado ang mga manlalaro ng Alaska Milk. Walang nagrereklamo sa sistema. Walang sumusuko sa nakakapagod na patterns ni Compton.

Aba’y kung nagawa nilang talunin ang mga bigating koponan, ano pa ang puwede nilang gawin sa iba?

Read more...