Diabesity epidemic

HELLO Sweetie! Ito ang bati sa iyo ng dentist mo kasi nga sweet-tooth ka, nasira tuloy mga ngipin mo.

Sweetie rin siguro ang tawag sa iyo ng iyong nutrionist dahil mahilig ka sa matamis. At maging ng iyong endocrinologist o diabetologist kapag galit siya dahil sinuway mo na naman ang utos na huwag kumain ng sobrang sweets o carbohydrates.

Sabagay, mahirap talagang iwasan ang matatamis. Kaya ang problema, ang sakit ng diabetes ay hirap ding umiwas sa iyo.

Ikaw ay diabetic kapag ang iyong Fasting Blood Sugar (FBS) ay mas mataas sa 126 mg/dl, ang iyong HbA1c ay mahigit sa 6.5%.

Kapag ikaw ay kumain ng matamis, umaangat kaagad ang asukal sa dugo ng isa hanggang dalawang oras, ang antas nito ay dapat bumaba na. Kung nanatiling mataas pa rin (140-199 mg/dl) ang asukal sa dugo, Impaired Glucose Tolerance (IGT) ang tawag dito, pahiwatig na ikaw ay pre-diabetic.

Ang diabetes ay problema ng metabolism kung saan ang asukal (sugar or fuel) ay hindi nagagamit nang maayos. Mayroong hormone ng endocrine pancreas na ang tawag ay insulin na siyang nagpapapasok ng asukal sa mga cells upang magamit ito na enerhiya. Kapag kulang o walang insulin, Type I diabetes mellitus ang tawag dito.
Pag sobra-sobra naman ang insulin ngunit hindi naman ito nagagamit, Type II diabetes mellitus ang tawag dito.

Mahigit 90 porsyento ng may diabetes ay Type II, kokonti lang ang Type I. Ang mataas na insulin sa gitna ng hyperglycemia ay indikasyon ng insulin resistance.

Isa lang ang pinanggagalingan nito, ang sobrang pagkain ng asukal.

Marahil ay paraan ito ng ating katawan upang maiwasan ang pag-overheat ng cellular processes.

Mabilis ang pagtanda ng katawan, organs, tissues at cells ng isang diabetic.

Ang pagkain ng hindi tama ay siyang sanhi nito kahit sabihin pa ng siyensya na may kaalaman na, tungkol sa pinanggagalingan ng diabetes.

Sinasabi ng World Health Organization (WHO) na sa buong daigdig, sa kada 10 segundo ay may taong nasasawi na may kaugnayan sa diabetes. Sobrang dami na ang may karamdaman na ganito, kulang-kulang sa kalahating bilyon ng populasyon sa mundo. Napag-alaman na mahigit 60 porsyento ng may diabetes ay mataba, at mahigit 25 porsyento ng may obesity ay may diabetes. Magkamag-anak ang dalawang ito at iisa ang dahilan: “KATAKAWAN”.

Kahit ang mga mahirap na bansa (Third World at Developing Countries) ay apekatado rin ng epidemic na ito. Samakatuwid, hindi ekonomiya ang dahilan kundi ang desisyon pa rin ng bawat tao. Mas marami na ang overweight kesa underweight sa mundo ngayon, mas maraming overeater kesa sa starving, mas maraming sakit ang nakukuha sa pagiging obese at isa na rito ang diabetes.

Hahayaan mo ba na patuloy na lumala ang sitwasyon na ito? Sarili mong kalusugan ang nakasalalay dito.

Read more...