Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Rain or Shine vs Barako Bull
7 p.m. Talk ‘N Text vs Kia Sorento
Team Standings: Alaska (4-0); Barangay Ginebra (3-1); Meralco (3-1); San Miguel Beer (3-1); Globalport (2-2); NLEX (2-2); Rain or Shine (2-2); Talk ‘N Text (2-2); Purefoods (1-2); Kia (1-3); Barako Bull (0-3); Blackwater (0-4)
KAPWA pinapaboran ang Talk ‘N Text at Rain or Shine kontra magkahiwalay na kalaban sa PBA Philippine Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Makakatunggali ng Tropang Texters ang expansion franchise Kia Sorento sa ganap na alas-7 ng gabi matapos ang alas-4:15 ng hapon na bakbakan sa pagitan ng Elasto Painters at Barako Bull.
Kapwa may 2-2 records ang Talk ‘N Text at Rain or Shine kasama ng NLEX at Globalport sa ikalimang puwesto. Ang Kia ay may 1-3 kartada samantalang wala pang panalo ang Barako Bull matapos ag tatlong laro.
Ang Talk ‘N Text ay galing sa 99-76 panalo kontra Rain or Shine noong Linggo. Pinangunahan ng mga beteranong sina Ranidel de Ocampo at Jay Washington ang Tropang Texters nang gumawa sila ng 29 at 18 puntos.
Subalit ang pinuri ng husto ni Talk ‘N Text coach Joseph Uichico ay ang rookie na si Kevin Alas na nagtapos nang may 18 puntos, anim na rebounds at apat na assists. Nagdagdag ng 11 puntos ang isa pang rookie na si Matthew Ganuelas-Rosser.
Ang Kia Sorento, na ginagabayan ni assistant coach Glenn Capacio sa pagkawala ng playing coach na si Manny Pacquiao, ay galing naman sa 79-84 pagkatalo sa Globalport. Sa larong iyon ay lumamang ang Sorento ng 11 puntos, 47-36, sa halftime.
Naghahanap pa ng team leader ang Kia subalit maraming mga big men ang koponan upang pantayan ang frontline ng Talk ‘N Text. Kabilang sa mga ito sina Reil Cervantes, Rich Alvarez, Hans Thiele at Angelus Raymundo.