Kinakaltasan pero walang hulog sa SSS, PhilHealth

MAGANDANG araw po sa inyo!

Nais ko lang po sanang isangguni sa inyo ang problema ko hinggil sa SSS at PhilHealth contributions ko mula sa pinapasukan kong janitorial agency. (Editor: Dahil sa kahilingan ng sumulat ay ikukubli ng Bandera ang kanyang pangalan at SSS No.).

Kasalukuyan po akong nagtratrabaho sa I-Act Janitorial & Gen. Services Inc. Ang nasabing agency ay matatagpuan sa 43A Katihan st., Poblacion, Muntinlupa City. Empleyado na po nila ako simula pa noong early 2000. Pero noong Dec. 2009 ay natigil na po ang contributions ko sa SSS at PhilHealth gayung tuluy-tuloy naman ang pagkakaltas nila sa amin ng naturang benipisyo.

From 2010 up to present wala na pong hulog ang aking SSS at PhilHealth sa tuwing nagbe-verify ako. Ang nasabing problema ay naitanong ko na po sa aking agency pero ang sabi nila nagkaroon lang daw sila ng backlog sa mga payments nila sa SSS-Alabang kung saan sila naghuhulog.

Pero sa tagal na ng panahon ay ganoon lagi ang sinasabi nila kaya tuloy ay di ko magamit ang mga benipisyo ng SSS at PhilHealth, katulad ng salary loan sa SSS, kasi po ay walang latest na hulog ang aking SSS. Idadagdag ko na rin po na simula noong 2011 ay di na po nagbibigay ng payslip ang aking agency tuwing sumasahod kami. Kaya lalo akong nag-aalala na baka mapunta lang sa wala ang mga kinakaltas sa amin. Kasi po wala kaming maipakita sa SSS kung sakaling magrereklamo kami.

Ang nais ko lang po sanang malaman at maiparating sa SSS-Alabang ay kung talaga po bang naghuhulog pa ng SSS contributions ang aming agency na I-Act Janitorial & Services Inc. at ganoon din sa PhilHealth.

At itatanong ko na rin po kung ano ang gagawin gayong di po nagbibigay ng payslip ang aming agency para mahabol po namin ang kinakaltas sa amin.

Kung maari lang po sana ay pakikubli ang tunay kong pangalan kung sakali pong mailathala nyo ito sa diyaryo para lang po sana sa seguridad ko sa aking trabaho.

Maraming salamat po.
REPLY: Pagbati mula sa Team PhilHealth!

Patungkol po ito sa inyong katanungan na ipinadala sa column ni Bb. Liza Soriano hinggil sa pagbabayad ng inyong kumpanya sa PhilHealth, iminumungkahi po namin na kayo ay magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth o mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph upang kayo po ay direktang matugunan.

Nais po naming ipabatid sa inyo na sa oras na maberipika sa aming rekord na hindi updated ang hulog ng inyong kumpanya, maaari po kayong magsampa ng reklamo laban sa inyong kumpanya. Kinakailangan lamang po na mag-fill-up kayo ng salaysay sa aming tanggapan upang ito ay magawan ng karampatang aksyon
Maraming salamat po.

Hinggil naman sa problema ninyo sa SSS, hihintayin po natin ang tugon nila hinggil sa inyong hinaing.

Pero gaya po nang dati na nating naipayo sa may problema sa kanilang kontribusyon, maaari po kayong magsadya sa tanggapan ng SSS na malapit sa inyo at doon po ay malugod nila kayong ia-assist. Magdang dalhin po ninyo ang lahat ng mga importanteng dokumento na magpapatunay hinggil sa inyong employment at kontribusyon.

Sa sandaling maipahayag ang inyong concern ay hihingin po ng SSS ang panig ng inyong employer.

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...