Mabuhay ang Kano

MALINAW na lumatag na ang karimlan ng lokohan. Damang-dama na, hindi ang simoy ng Pasko, kundi ang pag-ikot ng tsubibo at isinakay na nga rito ang taumbayan, na pinapaypayan, mula sa magkabilang panig, ng bayarang mga mamamahayag.

Naiba ang karakas nang hirangin ng Ikalawang Aquino si Jejomar Binay bilang hepe ng resettlement cluster sa Samar at Leyte pagkatapos niyang banatan ang team player na bukas ang pinto kung ibig niyang lumayas sa saya ng Malacanang. Ang saya-saya.

Nang dahil diyan ay tsuwariwap na lang ang papel ni Panfilo Lacson at itsa-puwera na si Mar Roxas (asawa ni Korina yan, ha), na dapat sana’y nagtatrabaho dahil siya ang boss ng mga mayor at governor. Kawawang Lacson at Roxas.

Hindi nga maunawaan ng pitong lasing sa Batangas kung bakit espesyal si Binay sa pagharap kay Aquino gayung binanatan na nga niya ang anak nina Ninoy at Cory; at binabanatan din naman ni Binay ang walang kwentang pamamahala ng pangulo, pa man din. Para sa dakilang pitong lasing, malabo pa ito sa sabaw ng pusit.

Kung ang pakay ni Aquino ay magalit ang mga Waray, sa di kalaunan, kay Binay dahil wala namang magagawa ito bilang hepe ng resettlement cluster pagkat titikisin naman sa pondo ang guni-guning ahensiya, nagkakamali ang soltero. Dahil si Aquino ang sisisihin ni Binay kapag walang resettlement at puro cluster lang.

Sinungaling si Dinky Soliman, anang mga Waray. Totoo. Dahil tinutusta na sa tolda ng evac center ang mga walang bahay, dalawang araw bago sumapit ang unang anibersaryo ng delubyo.

Bilang ala-ala nang hindi maalis-alis na ba-ngungot ni Yolanda, ang ating mambabasa na si Elvie, ng Barangay Buri, Palo, Leyte, ay nagpapasalamat sa Kano, lalo na sa mga kawal ng USS George Washington, malaking aircraft carrier na may fighter jets, helicopter at dalawang AWACS (bangungot nga si Yolanda pero nagising naman ang mga Waray na waray gobyerno pala).

Sa text ni Elvie sa buntot na pitak ng “Mula sa bayan (0906-5709843)” ng kolum na ito, tatlong linggo na naghatid ng relief goods at tone-toneladang mineral water ang mga squadron ng USS George Washington at maliliit na barko ng aircraft carrier, na tinawag na “strike group.”

Hindi lamang relief goods ang dala ng mga Kano. Nagsagawa rin sila ng search and rescue.

Kailanman ay hindi makalilimutan ni Elvie ang pagtulong ng mga Kano sa mga Waray. Wala itong humpay at kahit gabi ay lumalanding ang Ospreys sa eksaktong lugar kung saan may nangangailangan ng tulong.

Tatlong linggong namalagi ang George Washington sa karagatan ng Leyte. Sa aircraft carrier at maliliit na barkong strike group nito, 24 oras ang pag-eempake ng relief goods habang binobola ni Mar Roxas ang mga Waray, na hindi raw sila pinabayaan ng gobyerno ni Aquino.

Ang pagtulong ng dambuhalang aircraft carrier, na ginamit sa lahat ng digmaan sa Middle East, ay wala sa iniaatas ng Visiting Forces Agreement. Ito’y kusa, at ang nakararamdam at nakababatid nito ay ang mga Waray.

Read more...