Rockets dinurog ang Heat

NAGTALA si James Harden ng 25 puntos, 10 assists at siyam na rebounds habang Dwight Howard ay nag-ambag ng 26 puntos at 10 rebounds para tulungan ang Houston Rockets na manatiling walong talo sa pagkubra ng 108-91 pagwawagi laban sa Miami Heat sa kanilang NBA game kahapon sa Miami.

Si Trevor Ariza ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Rockets (5-0), na gumamit ng 13-0 ratsada sa huling bahagi ng ikaapat na yugto para makalayo sa laban.

Si Chris Bosh ay umiskor ng 21 puntos para sa Miami (3-1). Si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 19 puntos habang sina Shawne Williams at Mario Chalmers ay may tig-12 puntos.

Dinaig ng Rockets ang Heat sa puntusan, 25-14, sa huling yugto. Tumira rin ang Houston ng 17 for 37 mula sa 3-point range at nakapagtala na sila ng 213 puntos mula sa rainbow territory ngayong season kumpara sa 198 puntos mula sa 2-point baskets.

Blazers 101, Cavaliers 82
Sa Portland, Oregon, winakasan ni Damian Lillard ang kanyang shooting slump sa pagkamada ng 27 puntos para pamunuan ang Portland Trail Blazers na malimita si Cleveland Cavaliers star LeBron James sa 11 puntos.

Si Lillard, na may iniindang abdominal strain, ay gumawa ng 15 puntos matapos ang halftime. Siya ay nag-average lamang ng 13.7 puntos mula sa 11-for-41 shooting sa kanilang unang tatlong laro.

Ang Cavaliers, na nilaro ang una sa kanilang tatlong Western Conference road games, ay huling naglaro matapos ang 114-108 overtime panalo kontra Chicago Bulls noong nakaraang Sabado. Naging mabilis ang panimula ng Cleveland subalit ang masamang shooting nina James (4 of 12) at Kyrie Irving (3 of 17) ang naging daan para matalo sila.

Si Wesley Matthews ay nagtapos na may 21 puntos para sa Blazers (2-2) na tinapos ang two-game losing streak.

Suns 112, Lakers 106
Sa Los Angeles, umiskor si Gerald Green ng 26 puntos mula sa bench habang si Markieff Morris ay may 23 puntos at 10 rebounds para sa Phoenix Suns na binalewala ang kinamadang 39 puntos ni Kobe Bryant para mapanatiling walang panalo ang Los Angeles Lakers.

Si Isaiah Thomas ay nag-ambag ng 22 puntos bilang reserve para sa Suns.

Read more...