KILALA nga ba ni Vice President Jejomar Binay si Pangulong Aquino?
Ang tingin ng marami ay hindi. Bakit?
Parang hindi kasi na-gets ni Binay ang ibig sabihin ni Aquino nang sabihin nito na malaya na siyang umalis sa Gabinete kung ayaw niya na rito.
Ang basa ng marami, pinaaalis na ni Aquino si Binay, na chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Ayaw diretsuhin ni Aquino si Binay, na hindi talaga ugali ng pangulo.
Kung ikukumpara ang pahayag ng Pangulo kay Binay at ang sinabi nito sa pagtatanggol kay PNP Chief Alan Purisima, e makikita ang pagkakaiba.
Naniniwala si Aquino na hindi totoo ang mga bintang kay Purisima samantalang kay Binay, pinuna niya ang pagtuligsa nito sa mga programa ng gobyerno at sinabihan pa na malaya itong umalis.
Pero hindi ma-gets ni Binay si Aquino.
Kahit bumaba na, maituturing na mataas pa rin ang rating ni Aquino na uupo hanggang sa 2016. Hindi katulad ng mga naunang presidente na mabaho na ang rating nang malapit ng bumaba.
Baka kaya ayaw pang umalis ni Binay sa kuwadra ni PNoy kahit ang mga kasama niya roon ay mga kalaban niya sa pulitika gaya ni DILG Sec. Mar Roxas at iba pang miyembro ng Liberal Party, baka kasi magmukha siyang umaayaw sa tuwid na daan ng administrasyon.
Kung noong 2010 elections ay pumatok ang NoyBi o Noynoy-Binay, mukhang wasak na ito ngayon.
Sa sunod-sunod na kritisismo na inaabot ni Binay at ng kanyang pamilya dahil sa mga umano’y nakaw na yaman, sino pa kaya ang nais na sumama sa kanyang senatorial line up?
Hindi pa rin malinaw kung sino ang magiging running mate ni Binay, na hayagang sinabi na tatakbo siya sa 2016 presidential polls.
May mga natatakot kasi na maulit ang 2013 elections, nang winalis ng mga kandidato ng administrasyon sa pagkasenador ang siyam na puwesto.
Natatakot sila na maging “kiss of death” ang pagsama nila kay Binay sa halalan.
Alam kasi nila na kapag may bahid ng korupsyon tagilid ang laban. Parang noong panahon ni Pangulong Gloria Arroyo, talo ang kanyang mga manok sa pagkasenador noong 2007 at 2010 elections.
Ano na ang nangyari sa hamon na debate ni Vice President Jejomar Binay kay Sen. Antonio Trillanes na tumutuligsa sa kanya?
Kung noong una ay masigasig ang hamon ni Binay, bakit tila nabahag ang kanyang buntot nang mahimasmasan sa kanyang nasabi.
Tama ang mga kakampi ni Binay, wala siyang mahihita sa pakikipagdebate kay Trillanes.
Marahil ay tinitimbang ng kampo ni Binay ngayon kung ano ang mas mabigat—ang mapahiya at umatras sa laban, o ang lumaban pero malagay sa alanganing sitwasyon?