Anak ni Dennis Trillo naaksidente, isinugod sa ospital

SUGATAN ang anim na bata, kabilang na ang anak ng aktor  na si Dennis Trillo matapos magbanggaan ang dalawang school bus Martes ng umaga sa panulukan ng  Speaker Perez at N. Roxas st. sa Barangay Lourdes, Quezon City.
Sinabi ni Chief Insp. Diogenes Amor, hepe ng Balintawak traffic sector  na nangyari ang insidente ganap na alas-5:45 ng umaga kung saan nagbanggaan ang school bus ng   Malayan High School of Science – Pandacan, Maynila(TXF 527) at Xavier School (TWT 945).
Aniya, matindi ang tinamong pinsala ng school bus ng Malayan High School of Science.
Idinagdag ni Amor  na dinala ang mga sugatang bata sa Chinese General Hospital at ang iba naman ay sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Ayon kay Amor, kabilang ang anak ni Trillo sa  beauty queen na si Carlene Aguilar sa mga pasahero ng Xavier van.
 “The boy sustained no injuries but was taken to the hospital anyway,” sabi ni  Amor.
Sinabi ng drayber ng Xavier School na si  Rasmur Padios, patawid na siya ng  N. Roxas mula Speaker Perez nang bigla na lang sumulpot ang school service ng Malayan.
Iginiit naman ng driver  ng school service ng Malayan na si Jerrilito Papa na matulin ang takbo ng driver ng  Xavier.
 Hawak na ng QC Traffic ang mga driver habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Read more...