Sad news sa mga maka-Duterte

SOBRANG nalulungkot ang di mabilang na mga sumusuporta sa “Duterte for President” Movement nang ipinahayag ni Davao City Mayor Rody Duterte na talagang di siya tatakbo.

Dahil wala na si Duterte, wala nang makakalabang malakas si Vice President Jojo Binay na tanyag sa mga ignorante at madaling mapaniwala na masa.

Ang masang Pinoy ang nagpapanalo ng sinumang kandidato.

Nakumbinsi kasi ni Binay ang masa na siya’y inaapi ng mayayaman dahil siya’y galing sa mahirap.

Walang laban si Interior Secretary Mar Roxas kay Binay sa 2016 presidential election.

Natalo ni Binay si Roxas sa vice presidential race noong 2010.

Ang pagtanggi ni Duterte na tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2010 ay masasabing unpatriotic act.

Hahayaan na lang ba ni Duterte na tuluyan nang malubog sa lusak ang bansa gayong puwede niyang mapigil ito kapag siya’y tumakbo at manalo.

Ang eleksiyon ay dalawang taon pa, but the call of the hour is a leader who can continue ang kampanya ni Pangulong Noy laban sa korapsyon sa gobiyerno.

Maraming pagkukulang si P-Noy pero hindi sa aspeto ng korapsyon. Maaaring marami siyang galamay na korap pero hindi siya.

* * *

Kung magbago pa ang isip ni Duterte, tiyak na mananalo siya.

Ang mga Pinoy na nagsasalita ng Cebuano sa Visayas at Mindanao ay magiging solid sa kanya dahil ang salita niya ay Cebuano.

Pinakamarami ang mga Pinoy na nagsasalita ng Cebuano.

Ang mga edukadong botante sa A-B class ay galit kay Binay dahil sa kanyang diumano’y pangungurakot.

Si Duterte ay malinis ang record kung pag-uusapan ang korapsyon.

Kumpara kay Binay na yumaman dahil daw sa pangungurakot, si Duterte ay hindi ginamit ang kanyang puwesto upang magnakaw sa bayan.

Idagdag pa sa mga nabanggit na mga botante ang mga botante sa Metro Manila at ibang panig ng Luzon na humahanga kay Duterte.

Kung tatakbo si Duterte, maraming mga mahihirap na humahanga kay Binay ang lilipat sa kanya dahil alam nila na pangangalagaan ang kanilang kapakanan ng Davao City mayor.

Ang dahilan ni Duterte na wala siyang perang ipantustos sa kampanya ay walang basehan.

Maraming malalaking business firms, na nakabase sa Makati City, ang susuporta sa kanya dahil galit sila kay Binay na diumano’y binakalan sila nang ito’y mayor pa ng Makati.

At puwedeng maglunsad ang mga supporters ni Duterte na “piso-piso para kay Rody” at kumolekta ng daang milyong piso na donasyon galing sa mga ordinaryong mamamayan.

Hindi bago ang ideyang ito dahil ginawa na ng ilang mga mahihirap pero very qualified na kandidato ang ganoong paraan at sila’y nanalo.

Sinasabi ni Duterte na siya’y may sakit. Paanong may sakit ang kasing lakas ng kalabaw?
* * *

Bago ninyo husgahan si Senate President Frank Drilon dahil sa napabalitang nag-tongpats siya sa pagpapatayo ng P700 million Iloilo Convention Center, bakit ninyo di tingnan ang motibo ng nag-aakusa?

Si Manuel Mejorada, isang self-styled journalist, ay provincial administrator noong panahon ni Iloilo Gov. Neil Tupas Sr., na kalaban sa pulitika ni Drilon, sabi ng aking source sa Iloilo.

Sa kasong plunder na isinampa ni Mejorada sa Office of the Ombudsman, isinama rin niya sina Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson at Tourism Secretary Mon Jimenez na maituturing na pinakamalinis na mga miyembro ng Gabinete ni P-Noy.

Ang motibo ni Mejorada sa pagsampa ng plunder kina Drilon. Singson at Jimenez ay upang mabaling ang atensiyon ng publiko sa mga akusasyon ng pangungurakot laban kay Binay.

Read more...