Palasyo hirap intindihin ang mahihirap

BATAY sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), tinatayang 12.1 milyon mga pamilyang Pilipino ang nagsabi na sila ay mahirap, samantalang 9.3 milyon pamilya ang nagsabi na sila ay nagkukulang sa pagkain.

Kinontra naman ito ng mga tagapagsalita ng Palasyo sa pagsasabing bumaba pa nga ng tatlong porsyento ang insidente ng kahirapan sa bansa.

Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., base sa ulat na ipinalabas na Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng Philippine Statistics Authority sa unang bahagi ng 2012, bumaba rin ng 2.7 porsiyento ang mga Pinoy na nakakaranas ng sobrang kahirapan.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na sariling paniniwala lamang ng bawat tinanong sa SWS survey na sila ay naghihirap.

Iba kayang Pilipinas ang tinutukoy ng ating mga opisyal para masabing bumaba ang kahirapan sa bansa?

Imbes na kontrahin ang survey, dapat ay aminin na lamang ng Malacañang ang problema ng bansa hinggil sa kahirapan at gumawa ng aksyon para ito masolusyunan.

Patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin sa bansa kahit hindi kataka-takang dumarami ang naghihirap at nagugutom na mga Pinoy.

Maging ang presyo ng sardinas at instant noodles na siyang laging kinakain ng mga naghihikahos na mga Pinoy ay tumataas din.

Bakit hindi subukang itanong ng mga opisyal kung ano ang kadalasang kinakain ng mga Pilipino. Ang isasagot nila ay noodles.

Swerte pa nga kung ang isasagot sa kanila ay sardinas.

Dumarami rin ang mga pamilyang Pilipino na nagpapalimos sa kalsada. Naglipana ang batang nagpapalimos sa mga sasakyan na hindi alintana ang panganib na dulot nang pamamalimos.

Kahit itinuturo ng DSWD na huwag magbigay ng limos para hindi mamalagi ang mga mahihirap sa kalye, hindi maiiwasan ng marami na mag-abot ng pera dahil sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga ito.

Suwerte pa kung tatlong beses na kumakain ang mga Pinoy. Napakaraming Pilipino ang nagugutom.

Napakalaking problema ng kahirapan at kagutuman sa bansa kayat komprehensibong solusyon ang kailangan ng gobyerno, hindi ang denial ng mga opisyal hinggil sa isyu.

READ NEXT
All Souls Day
Read more...