TULOY na tuloy na ang pelikulang pagsasamahan nina Piolo Pascual at Sarah Geronimo. Ito ang magiging Valentine offering ng Star Cinema at Viva Films sa February, 2015.
Ayon kay Piolo nang mainterbyu ng ABS-CBN, naayos na ang script at schedule nila ni Sarah para sa shooting ng nasabing proyekto. Pero aniya, tatapusin daw muna nila ang seryeng Hawak Kamay ng ABS-CBN bago simulan ang pelikula.
“Magpapahinga ako ng mga ilang araw after ng Hawak Kamay. Magsisimula na kami ng pelikula with Sarah for Valentine’s kaya hindi ko alam kung paano ko magagawa magpahinga. Pero, iyon, may playdate na siya. Good luck!” ani Piolo.
Ayon sa Kapamilya leading man, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang nasabing proyekto dahil matagal na niyang gustong makatrabaho ang Pop Princess.
Bukod daw kasi sa matinding paghanga niya sa galing ni Sarah bilang singer, naniniwala siyang isa rin itong magaling na aktres.
“Matagal ko na rin pinangarap na makasama si Sarah, so finally ito na nga, nakapag-pitch na sila sa amin pareho and excited ako sa project na ito,” hirit pa ng aktor na huling napanood sa pelikulang “Starting Over Again” with Toni Gonzaga na naitala ngang “highest grossing Philippines films of all time” dahil sa milyun-milyong pisong kinita nito sa takilya.
Hindi rin naman matatawaran ang record ni Sarah G. pagdating sa takilya dahil ilang beses na siyang kinoronahang box-office queen kasama ang kanyang box-office king na si John Lloyd Cruz.
Ang huli niyang movie na “Maybe This Time” kasama si Coco Martin ay humataw din sa takilya noong Mayo. Well, let’s see kung maka-score rin sina Piolo at Sarah sa una nilang pagtatambal sa pelikula.