Belo hindi bibitawan ng Rhum Masters

MATAPOS magkaproblema kay Chris Newsome, suliranin kay Mark Belo ang hinaharap ngayon ng Tanduay Light Rhum Masters.

Ang manlalaro ng Far Eastern University ay hindi nagpapakita sa Rhum Masters kahit may aktibong kontrata pa sa koponan.

Sinasabing si Belo ay nagnanais na sumama sa MJM M-Builders na kasali sa PBA D-League Aspirants’ Cup at sinusuportahan ang FEU ngunit hindi pahihintulutan ng Tanduay dahil may kontrata pa siya hanggang Mayo ng 2015.

Dahil dito ay bukas ang pamunuan na dalhin sa korte ang usapin para mapilit na tuparin ni Belo ang pinirmahang kontrata na magbabayad sa kanya ng P20,000 kada buwan.

“Kung ako lang, ayaw kong umabot pa sa korte ito. Pero wala kaming magawa,” wika ni coach at operations manager Lawrence Chongson.

Sa panig ng manager ng 6-foot-4 player na si Edgar Mangahas, sinabi niyang sisikapin niyang kausapin si Belo at makipagharap sa Tanduay upang magkaroon ng maayos na usapan.

Aktibong ipinaglalaban ng Tanduay si Belo matapos mawala ang second pick overall na si Newsome nang hindi nabigyan ng offer sheet sa loob ng limang araw matapos ang drafting.

Read more...