KAPAG nakakita ka ng multo natural lang na manginginig ka sa takot.
Pigilin mo ang iyong takot dahil ang multo ay hindi nananakit dahil imposibleng masaktan ka nito ng pisikal.
Dapat kang matakot sa taong buhay dahil puwede kang saktan nito, at hindi sa isang multo.
Kapag nakakakita ka ng multo, dapat ay ituring mo na isang magandang balita ito dahil meron kang “third eye” na isang gift na pambihira.
Kakaunti lang ang mga taong may third eye.
Kung ikaw ay pinakitaan ng isang kaluluwa, makipag-ugnayan ka sa kanya sa pamamagitan ng telepathy.
Telepathy is communicating with another person through his mind without the use of words or signals.
Kausapin mo ang kaluluwa o multo kung ano ang maitutulong mo sa kanya sa pamamagitan ng telepathy.
Sasagutin ka niya sa pamamagitan din ng telepathy.
Maaaring hihingi sa iyo ng tulong sa kanyang personal na problema na hindi na niya malulutas dahil nasa kabilang buhay na siya.
Maaaring may naiwan siya na isang bagay na dapat malaman ng kanyang pamilya.
Ang mga kuwento na itinuro ng isang kaluluwa ang malaking kayamanan ay hindi mga kathang isip dahil marami nang nangyari sa totoong buhay na may nadiskubreng kayamanan dahil itinuro ito ng kaluluuwa.
Ilang taon na rin ang nakararaan nang isang kaluluwa ang humingi sa akin ng tulong.
Sinaniban ng kaluluwa ang isang babae upang makipag-usap sa inyong lingkod.
Ang kaluluwa, na tatawagin nating “Rolly,” ay sa isang dating colonel ng Philippine Constabulary Metrocom noong siya’y buhay pa.
Nakilala ko si Rolly dahil nagkober ako ng Metrocom o Metropolitan Command para sa Times Journal at Manila Bulletin noong mga huling mga taon ng dekada ’70 at ng dekada ’80.
Nakiusap si Rolly sa akin upang mamagitan ako sa away sa kanyang pamilya.
Kung bakit ako ang napili ni Rolly samantalang hindi naman kami magkadikit noong siya’y buhay pa—at kung bakit niya napili ang babae upang maging medium naming dalawa—ay mahabang istorya.
Ang babae ay isang society girl na single mother na nagmamay-ari ng isang kumpanya na gumagawa ng pagkain at gamot ng mga farm animals.
Pinagbigyan ko ang kahilingan ni Rolly na mamagitan sa away sa kanyang pamilya.
Magsisinungaling ako kapag sinabi ko na hindi ako natakot sa ginagawa ko dahil noon pa lang ako nakaranas ng kababalaghan.
Isa-isa kong kinontak ang miyembro ng kanyang pamilya at dinala sa babaeng medium upang makausap si Rolly.
May isa ngang kapatid ni Rolly na nagduda sa katinuan ng aking pag-iisip pero nakumbinsi ko siyang makipag-usap kay Rolly sa pamamagitan ng babae.
Nang matapos niyang makausap si Rolly sa pamamagitan ng medium, saka siya naniwala na totoo ang aking sinabi sa kanya.
Ang nakakatawa ay ang asawa ni Rolly.
Habang kinakausap niya si Rolly sa pamamagitan ng medium, tinatalakan o binungangaan niya ito tungkol sa kanilang mga anak na hindi na raw sumusunod sa kanya.
Sinabi sa kanya ni Rolly na matatanda na ang kanilang mga anak at may sarili nang pag-iisip.
Pati ba naman sa kabilang buhay yung tao ay ninanag pa ni Misis!
Matapos kong magawa ang misyon sa kanyang pamilya, hiniling ng kaluluwa na isulat ko sa Philippine Daily Inquirer, sister publication ng Bandera, na siya’y isang sundalo na naging tapat sa kanyang tungkulin.
Si Rolly kasi ay isang controversial figure noong siya’y nasa serbisyo militar pa.
Nabaril at napatay si Rolly noong siya’y retired na.