Bulls giniba ang Knicks

NAGTALA si Pau Gasol ng 21 puntos at 11 rebounds sa kanyang Chicago debut habang si Derrick Rose ay umiskor ng 13 puntos para sa Bulls na sinira ang unang laro ni Derek Fisher bilang NBA coach matapos nilang tambakan ang New York Knicks, 104-80, sa kanilang NBA game kahapon sa New York City.

Si Taj Gibson ay nagtapos na may 22 puntos para pangunahan ang Bulls.

Ang dating MVP na si Rose ay tumira lamang ng pitong beses at may limang assists sa loob ng 21 minuto sa laro na kung saan ang Chicago ay nagtala ng kalamangan na aabot sa 35 puntos.

Si Carmelo Anthony ay may 14 puntos para sa Knicks, na makakasagupa ngayon ang Cleveland Cavaliers na pangungunahan ng nagbabalik na si LeBron James.

Ang Knicks, na ginamit ang triangle offense, ay tumira ng 36.5 porsiyento at hindi nagamit si starting point guard Jose Calderon bunga ng strained right calf. Pinalitan siya ni Shane Larkin na naglaro sa kanyang kauna-unahang career start.

Heat 107, Wizards 95
Sa Miami, kumamada si Chris Bosh ng 26 puntos at 15 rebounds habang si Norris Cole ay umiskor ng career-high 23 puntos para sa Miami Heat na pinatumba ang Washington Wizards.

Si Dwyane Wade ay nagdagdag ng 21 puntos para sa Miami habang si Luol Deng ay may 12 puntos.

Sina Marcin Gortat at Drew Gooden ang nanguna para sa Wizards sa itinalang tig-18 puntos. Si Paul Pierce ay nag-ambag ng 17 puntos sa kanyang Washington debut habang si John Wall ay nagtapos na may 16 puntos at 11 assists.

Celtics 121, Nets 105
Sa Boston, si Rajon Rondo ay kumana ng 13 puntos, 12 assists at pitong rebounds para tulungan ang Boston Celtics na talunin ang Brooklyn Nets sa kanilang season opener.

Si Kelly Olynyk ay nag-ambag ng 19 puntos habang si Jeff Green ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Boston, na nagtala ng 29-puntos na kalamangan sa ikatlong yugto tungo sa pag-uwi ng panalo.

Si Mirza Teletovic ay nagtala ng 20 puntos at anim na rebounds para sa Nets. Si Joe Johnson ay umiskor ng 19 puntos para sa Brooklyn habang si Deron Williams ay may 19 puntos at walong assists.

Si Rondo ay naglaro na may itim na brace sa kaliwang kamay subalit hindi naman ito nakaapekto sa kanyang paglalaro.

Suns 119, Lakers 99
Sa Phoenix, umiskor si Isaiah Thomas ng 23 puntos sa kanyang Phoenix debut habang si Marcus Morris ay tinapatan ang career high niyang limang 3-pointers para tulungan ang Phoenix Suns na dominahin sa kanilang season opener ang Los Angeles Lakers.

Kinamada ni Goran Dragic ang 12 sa kanyang 18 puntos sa ikatlong yugto kung saan dinaig ng Suns sa puntusan ang Lakers, 39-24, at pinaabot ang kanilang kalamangan sa 29 puntos. Si Eric Bledsoe ay gumawa ng 16 puntos at siyam na assists para sa Phoenix bago matawagan ng ikalawang technical foul at mapatalsik sa laro may 30 segundo ang nalalabi sa ikatlong yugto.

Si Kobe Bryant ay gumawa ng 31 puntos para sa Lakers, na galing sa tambakang pagkatalo mula sa Houston Rockets, 108-90, noong isang araw.

Read more...