LOS ANGELES — Umiskor si James Harden ng 32 puntos habang si Dwight Howard ay nagdagdag ng 13 puntos at 11 rebounds para sa Houston Rockets na sinira ang pagbabalik ni Kobe Bryant sa Los Angeles Lakers sa pagtala ng 108-90 pagwawagi kahapon.
Lalo pang sumama ang comeback game ni Bryant nang si Lakers rookie forward Julius Randle ay nagkaroon ng right leg injury sa ikaapat na yugto. Ang seventh overall pick mula sa Kentucky ay bumangga sa dalawang Rockets sa ilalim ng basket at bumagsak ng alanganin sa sahig.
Gumawi si Bryant ng 19 puntos sa kanyang unang laro sa Staples Center matapos na halos hindi makapaglaro sa pinakamasamang season ng Lakers bunga ng dalawang masaklap na injury noong isang taon.
Sina Trevor Ariza at Terrence Jones ay kapwa umiskor ng 16 puntos para sa Houston.
Spurs 101, Mavericks 100
Sa San Antonio, kumamada si Tony Parker ng 23 puntos kabilang ang isang krusyal na 3-pointer sa huling bahagi ng laro para simulan ng San Antonio Spurs ang title defense sa pamamagitan ng dikitang panalo laban sa Dallas Mavericks.
Si Manu Ginobili ay nag-ambag ng 20 puntos para sa San Antonio na tumira ng 53 porsiyento mula sa field. Gumawa naman si Tim Duncan ng 14 puntos at 13 rebounds para itala ang kanyang ika-14th double-double sa isang season opener na siyang pinakamarami ng sinumang manlalaro sa kasaysayan ng NBA ayon sa Elias Sports.
Umiskor si Monta Ellis ng 26 puntos para sa Dallas habang si Dirk Nowitzki ay nagdagdag ng 18 puntos. Nagtapos naman si Devin Harris na may 17 puntos.
Pelicans 101, Magic 84
Sa New Orleans, si Anthony Davis ay nagtala ng 26 puntos, 17 rebounds at siyam na blocks para pangunahan ang New Orleans Pelicans sa isang season-opening win laban sa Orlando Magic.
Si Ryan Anderson ay nag-ambag ng 22 puntos habang si Omer Asik ay may 14 puntos at 17 rebounds para sa Pelicans.