WORLD Psoriasis Day ngayon. Sa lahat ng may ganitong kalagayan, gusto kong ipaabot sa inyo ang magandang balita na mayroong pag-asang mawala nang lubusan ang psoriasis.
Ang psoriasis ay sinasabing sakit sa balat na base sa mabilis na pagtubo at pagkakaroon ng bagong “skin cells” o balat. Dahil dito ay kumakapal ang balat na parang kaliskis, natutuyo na maaring magsugat at dumugo, makati at mayroong senyales ng pamamaga gaya ng mapula, at nakaumbok.
Kapag may sugat, masakit na parang nasusunog ang balat. May pagkakataon na ang mga kuko ay apektado rin. Maaaring magkaroon din ng pamamaga ang mga kasu-kasuan. Minsan ay malala nguni’t may pagkakataon din na umiige ang mga sintomas.
Maaaring maapektuhan ang ibang parte o ang buong katawan. Ang anit ay madalas na kumakati, namumula at dahil sa kakakamot, ito ay dumudugo. Ang balat sa mga bisig, braso at binti pati na kilikili ay inaabot din. Madalas na nagkakaroon ng impeksyon kapag matagal na ang psoriasis.
Hindi ito nakakahawa pero kung tingnan ay nakakadiri.
Sa dermatologist unang pumupunta ang may sakit sa balat kapag ang nakikitang mga skin lesions ay lumalala, mahigit isang lingo na, nakakasagabal na sa pag-galaw lalo na kung pati mga “joints” ay apektado.
Sabi ng marami walang solusyon ang psoriasis. Marahil dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang matukoy ang sanhi nito. May sinasabing dahil ito sa sensitibong “immune system”.
Opo, ang mga “T-Cells” ay “overacting”. Maraming mga white blood cells ang kasama sa mga mala-kaliskis na balat. May mga sitwasyon na nag-uumpisa ng “psoriasis”.
Kasama na dito ang Strep throat infections, skin infections, skin injury, cold weather, smoking and alcohol intake.
Ang katabaan o obesity ay malaking risk factor. May mga gamot na nakaka-trigger ng “psoriasis” gaya ng “beta bockers” para sa alta presyon, “lithium” para sa “bipolar disorder”, gamot sa malaria at goiter.
Alam nyo ba na ang stress ay siyang pinakamalakas na nagdadala sa tao ng “skin reaction” gaya ng psoriasis? Samakatuwid, kung matututunan ng tao ang tamang “stress management”, ang psoriasis ay maaaring mawala.
Kumplikado ang sitwasyon ng taong may psoriasis at maaaring dumapo ang iba’t-ibang sakit gaya ng diabetes, alta presyon, arthritis, metabolic syndrome, problema sa mata, sa puso, sa bato at kahit sa utak gaya ng Parkinson’s Disease.
Ang self-esteem ay mababa, may depression, at hindi makapag-trabaho dahil sa nahihiya at dahil sa mga masasakit na parte ng katawan.
May mga gamot na ang “psoriasis” nguni’t pansamantala lamang. Magpatingin sa dermatologist kaagad. Sa susunod, paano ba ang stress management?
Pakinggan si Doctor Heal sa Radyo Mediko sa Radyo Inquirer 990am Lunes hanggang Byernes ng 8-9 ng gabi. I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa DRHEAL sa 09999858606.