Alaska mapapalaban kontra Talk ‘n Text

alaska aces

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco
vs. Blackwater Elite
7 p.m. Talk ‘N Text
vs. Alaska Milk
Team Standings: Ginebra (2-0); San Miguel (2-0); Alaska (1-0); Meralco (1-0); Rain or Shine (1-1); Talk ‘N Text (1-1) Kia (1-1); NLEX (1-1); GlobalPort (1-1); Blackwater (0-2); Barako Bull (0-2); Purefoods (0-2)

TAGLAY ang kum-piyansang galing sa panalo kontra defending champion Purefoods Star, hangad ng Alaska Milk na mapanatili ang intensity kontra Talk ‘N Text sa kanilang pagsagupa sa PBA Philippine Cup alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon, puntirya din ng Meralco ang ikalawang sunod na panalo laban sa expansion franchise Blackwater Elite.  Walang kapagurang running game ang ginamit ng Aces upang tambakan ang Hotshots, 93-73, noong Miyerkules.

Gayunpaman, alam ni Alaska coach Alex Compton na hindi puwedeng maliitin ang kakayahan ng Talk ‘N Text na may sapat na manpower.
Ngayo’y hawak ni coach Joseph Uichico, ang Tropang Texters ay natalo sa una nilang laro kontra Barangay Ginebra, 101-81, sa Philippine Arena dalawang Linggo na ang nakalilipas.

Nakabawi sila sa pamamagitan ng 103-81 panalo kontra NLEX noong Biyernes.  Laban sa Purefoods, ang Alaska ay nakakuha ng 21 puntos buhat kay Calvin Abueva na nangakong babawi sa masagwang performance noong nakaraang season.

Siya ay tinulungan nina Vic Manuel at RJ Jazul na kapwa nagtala ng 11 puntos. Sumasandig din si Compton sa mga tulad nina  Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Dondon Hontiveros.

Matapos namang mabokya laban sa Gin Kings, nagtala ng 19 puntos si Jay Washington laban sa NLEX. Siya ay tinulungan nina Kelly Williams (18), Jayson Castro (15) at rookie Matthew Rosser (13).

Ang Meralco, na ngayon ay hawak ni coach Norman Black, ay dumaan sa dalawang overtime period bago napayuko ang Barako Bull, 112-108.
Ang Bolts ay pinangunahan ni Reynell Hugnatan na nagtala ng 28 puntos.

Read more...