Oplan Maligno vs. Stop Nognog 2016

HINDI na nakakatawa ang halos araw-araw na upakan ng mga nambobolang politiko at partido. Sabi ng UNA, grupo ni Interior Secretary Mar Roxas at Liberal party ang nasa likod ng Oplan Stop Nognog 2016. Ngayon naman, sabi ni Caloocan Rep. Egay Erice, meron daw Oplan Maligno ang kampo ni Vice President Binay para maiangat ang kanyang “survey ratings”, sabay ang pag-atake kay Roxas at sa isyu ng DAP at PDAF.

Maligno vs Nognog:  Kunsabagay, hindi na ako nagtataka sa mga bansag na ganito lalot kung pondo ng bayan ang pag-uusapan. Ilang bilyong piso ba ng PDAF, DAP at Malampaya funds ang na-maligno nang matatakaw na senador at kongresista sa ilalim ng Aquino administration?  At kung corruption ang pag-uusapan, sing-itim ba ng nognog ang mga budhi at buto nitong mga mambabatas na ito? Pero, ang tanong, kung maraming dapat ipaliwanag ang Liberal Party, ito kayang partido UNA at si VP Binay ay magiging malinis at hindi corrupt ang pamamalakad kapag sila’y nanalo? Sa nakikita ko, parang magpapalit lang tayo ng mga magnanakaw sa gobyerno. Isang aalis, isang bagong darating pero sa huli, magnanakaw din.

Bago mag-2010 elections, kaliwa’t kanang corruption ang ibinunyag laban sa administrasyong Arroyo. Winasak nang husto sa kampanya ang mga talunang presidential bet na sina Manny Villar at dating Pangulong Joseph Estrada.  Nang pumasok na ang “Daang Matuwid” nang kasalukuyang administrasyon, punung-puno tayo ng pag-asa dahil sabi nga ni PNoy:  Kung walang corrupt, walang mahirap.

Pero, ano ang nangyari?  Ipinangangak ang DAP  na nagkakahalaga ng 136.75B para sa taong 2011-2012  at pinagpyestahan ng Malakanyang, sampu ng mga Senador na kumita ng tig- P200M at mga kongresista noong “impeachment” ni Chief justice Renato  Corona.

Nariyan din ang P900-M  Malampaya funds na dapat ay iniimbestigahan na rin. Hindi rin nahinto ang PDAF at meron pang mga bagong “lump sum funds” sa proposed 2015 budget.  Alam din natin ang mga nabulgar na anomalya sa MRT3, corruption sa port congestion at Bureau of Customs, LTO, PNP firearms registration, AFP Medical Center, samantalang tuloy pa rin ang proteksyon sa jueteng at illegal gambling sa buong bansa.

Sa totoo lang, nakakapagod na ang mga nakawang ito sa gobyerno.  Panahon ng mga cronies ni Marcos, pinalitan ng mga yellow businessmen sa panahon ni Tita Cory, na pinalitan naman ng mga ka-mistah at mga paboritong negosyante  ni FVR, na pinalitan naman ng mga kainuman at midnight cabinet ni Erap na pinalitan din ng mga bata ni First Gentleman noong Arroyo administration. Ngayon, naghaharing uri ang mga K4-LP ( kabarilan, kaklase, kaibigan, kabarkada at Liberal Party) ni PNoy na pawang malilinis daw at walang sabit.

Ngayon, 14 buwan na lang ang nalalabi at magsisimula na ang filing ng certificate of candidacy sa pagkapangulo. Lalo pang iinit ang mga batuhan ng putik at panloloko sa sambayang Pilipino.

Ang masakit nito kapag sila’y nakaupo na, hindi na nila prayoridad ang kapakanan ng mamamayan. Hindi na nila pakikinggan ang sigaw ng taumbayan sa taas ng mga presyo ng bilihin, singil sa kuryente, tubig, matrikula ng mga estudyante, pasahe sa MRT3, LRT1 and 2.  Wala na rin silang pakialam kung naibibigay ba nang tama ang serbisyo ng gobyerno. Kasabwat ang gobyerno ng mga negosyante sa pagpapahirap sa taumbayan dahil sa malaking buwis na pinapataw nito sa bawat litro ng gasolina, bawat text, bawat bonus o 13th month pay pati na rin sa mga toll feels, habang walang pakialam kung di taasan ang sweldo ng mga karaniwang manggagawa.
Ngayon, eto na naman ang mga taong nasa likod ng mga Oplan Maligno at Oplan Nognog, mga nagpiprisintang hahawak ng gobyerno sa 2016.
Mangangako ng langit at lupa sa bayan para mahawakan ang halos P2-Trillion  na pondo ng bansa bawat taon. Pero, kapag nakaupo na sa pwesto  ay parang isang malaking sindikato na nagpapakabusog at nakakalimutan na ang mga maliliit at nagdarahop na mamamayang Pilipino.

Editor:  May tanong o reaksyon, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999868806.

Read more...