LAMAN ngayon ng mga balita ang ginawa nang sinasabing boyfriend nang pinatay na transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na si Marc Susselbeck matapos siyang umakyat sa bakod ng Camp Aguinaldo at mambalya ng Pinoy na sundalo.
Bagamat nakikiramay tayo sa pamilya ni Laude at kaisa tayo sa nananawagan ng hustisya para kay Laude, hindi dapat palagpasin ng ating gobyerno ang ginawang paglapastangan ni Susselbeck sa umiiral na batas sa ating bansa.
Kung isang Pinoy ang gumawa nito sa Germany na siyang bansa ni Susselbeck, tiyak na dinampot na ito ng otoridad at ikinulong agad-agad.
Masyadong panatag si Susselbeck sa ating bansa at nagawa pang magsiga-sigaan. Isang araw matapos mapaulat ang naturang pag-akyat ni Susselbeck sa bakod ng Camp Aguinaldo, napabalita rin na isang lalaki ang hinuli sa Amerika matapos umakyat sa bakod ng White House.
Noong Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na ipapa-deport na lamang si Susselbeck bilang parusa sa kanyang ginawa.
Kung hindi ipapakita ng gobyerno kay Susselbeck na dapat niyang igalang ang batas sa Pilipinas, iisipin ng mga banyaga na napakadaling makaiwas sa anumang kaparusahan sa bansa.
Makikita sa video na itinulak pa ni Susselbeck ang isa sa mga nagbabantay na sundalo sa Camp Aguinaldo. Tiyak na dahil may mga miyembro ng media, nagpipigil lamang ito sa ginawa sa kanya ni Susselbeck.
Napakahigpit nang ipinapatupad na seguridad sa Camp Aguinaldo, swerte lamang ni Susselbeck na mainit ang isyu hinggil kay Laude kayat hindi na siya pinatulan.
Sana lamang ay hindi na maulit ang naturang pangyayari kung saan kailangang makialam ng mga foreigner na kagaya ni Susselbeck para maliitin lamang ang umiiral na regulasyon sa bansa.
Hustisya ang hangad natin para kay Laude at hustisya rin ang hangad natin para sa ating bansa na hindi dapat pinapayagan na maliitin nang kung sinong banyaga lamang dahil walang magmamalasakit sa Pilipinas kundi tayong mamamayan din.
Malaking hamon ngayon para sa administrasyon ni PNoy na matiyak na mapapairal ang batas sa Pilipinas ngayong nasasangkot ang isang US Marine sa pagpatay kay Laude.
Dahil sa pagka-kasangkot ni Pfc. Joseph Scott Pemberton sa pagpatay kay Laude, muling pinapanawagan ngayon ang abrogation ng Visiting Forces Agreement.
Noong Biyernes, sinabi ni DFA Secretary Albert del Rosario na walang balak ang Pilipinas at ang US na magkaroon ng renegotiation para sa VFA sa kabila ng kasong kinasasangkutan ni Pemberton.
Dapat tiyakin ng gobyerno na hindi nababalewala ang mga batas sa bansa dahil lamang sa umiiral na VFA.
Napakahigpit ng batas sa US. Kung isang Pinoy ang nasangkot sa kahalintulad na krimen, tiyak na hinuli na at nakakulong na ang Pilipinong dawit sa krimen.
Pero dahil sa VFA, tali ang kamay ng ating gobyerno at wala itong magawa kundi sundin ang probisyon ng kasunduan.
Nakakatulong nga ba ang VFA sa atin at kailangan nating matali dito?
(Editor: Para sa komento, reaksyon i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606)