NABUKING sa presscon ng The Voice of the Philippines season 2 na si Alex Gonzaga pala ang pwedeng maging female version ni Luis Manzano sa pagiging “exhibitionist”.
Kilala kasi si Luis na walang takot magpakita ng kanyang katawan, at ganito rin daw si Alex kapag nasa bahay lang siya. Naikuwento kasi ni Toni noon na kapag nasa bahay lang ang kapatid ay naka-panty lang daw ito.
Kaya nang matanong si Alex tungkol dito, “Nagkukuwentuhan nga kami ni Kuya Luis, para sa mga simpleng tao, ibinababa natin ang dignidad natin. Pero hindi naman ako kasing-exhibitionist ni Kuya Luis. Maybe in time, baka,” natatawang chika ni Alex.
Hirit naman ni Toni, “Sabunutan kita, never kang magiging exhibitionist. Ewan ko ba diyan, ayaw laging nagdadamit. Hindi ko talaga alam. Every time na pupunta ako sa kuwarto niya, naka-panty siya. ’Di ba, may damit naman?”
Sagot naman agad ni Alex, “Ang init, e.” Sa mga hosts ng The Voice season 2 kasama na sina Luis Manzano at Robi Domingo, si Alex daw ang pinakamakulit kaya natanong si Toni kung napipikon din ba siya sa kapatid?
“Oo, kami ni Alex, may time. Naiinis ako kasi parang wala namang sinasabi, salita lang nang salita. Pag minsan gusto kong mag-concentrate lalo na kapag meron kang mine-memorize, nanggugulo siya sa dressing room. ‘Yun lang,” pag-amin ni Toni.
Bukod dito, may mga pagkakataon din na nagsisigawan sila, “Ay sobra, daming beses! Hindi nakunan ng kamera, buti na lang.” Samantala, ngayong gabi na magsisimula ang The Voice of the Philippines season 2 sa ABS-CBN.
Bukod sa reunion ng superstar coaches na sina Apl.de.Ap, Sarah Geronimo, Bamboo at Lea Salonga, tutukan din ang pagsasama-sama ng multi-awarded host na si Luis, kasama sina Robi at Alex bilang V-Reporters, at ang ultimate multimedia star na nga na si Toni na siyang maghahatid ng kuwento sa likod ng pangarap ng bawat artists.
Sa blind auditions ng season two, kailangang mag-assemble ng 14 artists ang bawat coach para buuin ang kani-kanilang team. Bukod dito, magdadagdag din ng intensity sa laban ang kapangyarihan ng coaches na mag-steal.
Asahan ang mas kakaibang tunog mula sa sari-saring artists na iba-iba ang pinagmulan at edad, kabilang na ang isang nurse, tindero sa bus, magsasaka, chemist, Zumba instructor, at dating recording artist.
Asahan rin ang galing ng Filipino sa pag-awit na nagmula pa sa iba’t ibang bansa gaya ng Guam, France, US, United Arab Emirates, Canada at Australia.