Laro Ngayon
(Lucena City)
5 p.m. Barangay Ginebra vs Kia Sorento
MAGTUTUOS ang opening day winners na Barangay Ginebra at Kia Sorento sa unang out-of-town game ng PBA Philippine Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Quezon Convention Center sa Lucena City, Quezon Province.
Dinaig ng Gin Kings ang Talk ‘N Text, 101-81, samantalang tinalo ng Kia ang kapwa expansion franchise Blackwater Elite, 80-66, sa magkahiwalay na laro sa pagbubukas ng 40th PBA season noong Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Pipilitin ng mga higanteng sina Japeth Aguilar at Gregory Slaughter na maghari rin kontra sa Kia Sorento tulad ng ginawa nila sa Tropang Texters. Laban sa Talk ‘N Text, si Aguilar ay nagtala ng 18 puntos at si Slaughter ay gumawa ng 16 puntos.
Malaking bagay ang panalo sa Tropang Texters dahil sa hindi naman naging maganda ang performance ng Gin Kings sa preseason Liga ng Bayan kung saan iisang panalo ang kanilang naitala.
“We’re lucky to get a good performance from everyone, guys were cheering each other, guys weren’t putting their heads down when they make a turnover, so those are the little things that means our chemistry is improving,” ani Barangay Ginebra head coach Jeffrey Cariaso.
Ang iba pang Gin Kings na nagtala ng double figures sa scoring ay sina Mac Baracael na gumawa rin ng 16 puntos, Mark Caguioa na nagtala ng 12 at Jayjay Helterbrand na nag-ambag ng 10.
Nakakagulat din ang panalo ng Kia Sorento dahil sa hindi naman ito pinaboran bago nag-umpisa ang season.
Masagwa ang naging umpisa ng Kia Sorento dahil nalamangan ito ng Blackwater Elite, 34-25, sa halftime. Subalit nagbago ang ihip ng hangin sa second half.
Gumawa ng 14 sa kanyang game-high 23 puntos sa third quarter ang sophomore na si LA Revilla upang pamunuan ang pagbabalik ng koponang hawak ni playing coach Manny Pacquiao.
Hindi na muna lalaro o makakasama ng Sorento si Pacquiao na pagtutuunan ang paghahanda para sa kanyang susunod na boxing match.
Ang hahawak muna sa Sorento ay ang kanyang assistant coach na si Glen Capacio.
Laban sa Blackwater Elite ay nagtala ng tig-13 puntos sina Hans Thiele at Reil Cervantes. Ang point guard na si Rudy Lingganay ay nagdagdag ng 11 puntos at limang assists.
Samantala, tinambakan ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang NLEX Road Warriors, 103-81, sa kanilang PBA game kahapon.