Biktima ng kuyog

NGAYON ay alam na ni Jejomar Binay kung paano maging biktima ng kuyog, kung ano ang damdamin ng kinukuyog ng mismong napakaraming makinarya ng dilaw na gobyerno na kanyang kinaaaniban. Masarap ba o masakit?

Hindi ang Panginoong Hesu Kristo ang unang biktima ng kuyog, pero siya ang superstar na kinuyog. Hanggang ngayon, siya pa rin ang laman ng mga Ebang-helyo na hindi binabasa, pinagninilayan at dapat ay paghugutan sa baul ng ginintuang kaalaman nina Noynoy, Jojo, Sonny, Koko, Mar, atbp., para naman, kahit paano, ay mailigtas ang kanilang kaluluwa sa impiyerno.

Sa kasukalan ng bundok Buntis, Maragondon, Cavite, kinuyog si Andres Bonifacio ng maraming mapagpanggap, tulad ng lahat ng mga senador, ayon sa isa sa malapit kay Mam Janet (at lahat ng kongresista na patuloy na naglilinta sa arawang obrero, sa mahihirap). Kaya, hayun, tepok si Andres ng Tondo.

Kinuyog si Ferdinand Marcos. At hayun, nailuklok sina Corazon at Benigno Simeon. Hu-hu-hu.

Kinuyog si Erap. Kaya nailuklok nina Florencio Abad at Corazon Aquino si Gloria Arroyo.

Kinuyog si Gloria Arroyo. At si Trillanes ay naghanap kung nasaan ang 11 milyon na bumoto sa kanya pero isang Geary Barias lang pala ang magpapasuko sa kanya, at Danilo Lim, na binuhusan ng tubig at yelo ng kahihiyan.

Sa mahiwagang retrato ng press con ni Trillanes, hinanap ang nakasuot ng Afro wig. Wow, isa pala siya sa mga security aide ni Binay.

Ngayon nga ay kaliwa’t kanang kinukuyog si Jejomar Binay. Pinagsasalukban din ng langit at lupa ng mga kuyog.

Sa apat na linggong pangunguyog, nauubusan na ng sumpak sa ka-laban si Binay. Maging ang kanyang idolong Ikalawang Aquino ay inilaglag na rin siya.

Kung may bala ka pa, ilabas mo Binay. Kung wala naman, laking tuwa ng asawa ni Korina Sanchez!

MULA sa bayan (0906-5709843): Kami po ang maliliit na mangingisda sa Bantoon at Alad, Romblon. Malaki rin naman ang pinsala sa amin ng bagyong Yolanda.

Nabalitaan naming na may ayuda na ibinigay sa aming kongresista. Nabasa namin sa dyaryo na may ayuda rin si Agri Sec. Procy Alcala. Pero wala kaming natanggap at hanggang ngayon ay may utang pa kami sa pagpapagawa ng aming maliliit na Bangka. …9322

Read more...