WIN No. 2 PAKAY NG NLEX SA PBA

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vsTalk ‘N Text
7 p.m. Blackwater Elite vs Rain or Shine

IKALAWANG sunod na panalo at maagang pangunguna ang habol ng NLEX sa pagsagupa nito sa Talk ‘N Text sa PBA Philippine Cup mamayang alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Sa alas-7 ng gabi na main game ay babawi mula sa pagkatalo ang Rain or Shine at Blackwater Elite.

Ang NLEX, na bumili sa prangkisa ng Air21, ay nagwagi kontra Globalport, 101-96, noong Martes sa likod ng kabayanihan ni Paul Asi Taulava.

Si Taulava, na miyembro ng Mythical Five at Comeback Player of the Year awardee ng PBA Press Corps noong nakaraang season, ay gumawa ng 12 sa kanyang 21 puntos sa fourth quarter upang pamunuan ang pagbalik ng NLEX buhat sa 10 puntos na abante ng Globalport.

Nakatulong niya sa ratsadang iyon si Niño Canaleta na gumawa ng dalawang sunod na three-pointers.

Ang ibang nagtapos nang may double figures sa scoring para sa NLEX ay sina Mark Cardona (20), Aldrech Ramos (16) at Enrico Villanueva (11).

Ang Talk ‘N Text, na ngayo’y hawak ni head coach Joseph Uichico, ay natalo sa Barangay Ginebra, 101-81, sa opening day.

Hindi pa sigurado kung makapaglalaro mamaya sina Ranidel de Ocampo at Jimmy Alapag na galing sa injury.

Ang Tropang Texters ay pinamumunuan nina Kelly Williams, Jason Castro, Larry Fonacier at Jay Washington.

Maganda ang naging debut ng mga rookies na sina Kevin Alas at Matthew Ganuelas. Si Alas, ang second pick ng 2014 Draft, ay nagtala ng 10 puntos sa unang laro.

Read more...