Ika-5 sunod na NCAA title nasungkit ng San Beda

SINUKLIAN ng San Beda ang mainit na suporta ng mga panatiko sa pamamagitan ng 89-70 dominasyon sa Arellano at angkinin ang makasaysayang five-peat sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Umuulan ng puntos sa ikalawang yugto bago isinantabi ng Red Lions ang tangkang pagbangon ng Chiefs gamit ang malakas na pagtatapos tungo sa 2-0 sweep sa best-of-three championship series.

“Determinado ang mga players na tapusin ang series. They really worked hard for this title and the credit should be given to them,” wika ni San Beda coach Boyet Fernandez na iiwan ang liga bitbit ang dalawang sunod na kampeonato.

Si Anthony Semerad ay gumawa ng 30 puntos at ang kanyang mahusay na ipinakita sa serye ang nagresulta para igawad sa kanya ang Finals MVP.

“This is my last year here and I just want to give everything I got,” wika ni Semerad na may 12-of-14 shooting sa 15-foot line sa huling yugto.

Pero hindi lamang siya ang kumamada para sa Red Lions dahil gumana rin ang kamay nina Kyle Pascual, Ola Adeogun at Arthur dela Cruz.

Ang 6-foot-5 na si Pascual, na kabilang sa naunang apat na titulong hinablot ng Red Lions, ay may 16 puntos at siyam rito ay ginawa sa huling yugto para hindi na kinailangan na ibalik sa laro si Adeogun matapos mapituhan ng apat na fouls.

“I’m very happy that I wanted to really enjoy this moment,” wika ni Pascual na tulad ni Semerad ay lalaro na sa PBA.
Nagpakawala ng dalawang triples sina Semerad at Roldan Sara sa ikalawang yugto para bigyan ang Red Lions ng 31-16 bentahe sa ikalawang yugto.

Nagsikap ang Chiefs na bumangon at gamit ang kanilang depensa ay nakalapit nang hanggang pito na huling nangyari sa 48-41 iskor.

Pero nagdomina si Adeogun na gumawa ng anim na free throws at isang dunk para itulak uli ang Red Lions sa 63-50 kalamangan.

Read more...