Mega sobrang nasaktan sa patutsada ni Helen

Pagdating sa kanyang pamilya ay nakalilimot si Sharon Cuneta na isa siyang Megastar.

Walang arti-artista sa kanya kapag ang mga mahal na niya sa buhay ang kinakawawa, sinasagasaan at nalalagay sa alanganin.

Hinuhubad na ni Sharon ang kanyang titulo, sumasagot talaga siya sa mga akusasyon, wala siyang pakialam kung masabihan man siyang mapagpatol ng kahit sino d’yan.

Sa hindi kagandahang senaryong namamagitan sa kanila ngayon ng kanyang Tita Helen Gamboa, higit sa dalawang tunay na sangkot sa usapin ay nakiki-eksena ang mga sawsawero’t sawsawera, mas matitindi pa ngang magkomento ang mga ito sa Twitter.

Sinasagot ‘yun ni Sharon sa paraang alam niya na hindi naman lumalampas sa kagandahang-asal, ipinaliliwanag niya ang kanyang emosyon, pero hindi ‘yun sapat para sa mga nakikisawsaw.

Sobrang manglait ang iba, meron pang nagsabing bakit hindi na lang asikasuhin ni Sharon ang pagda-diet, para bumaba ang kanyang timbang?

Ang kanyang sagot du’n, “Hindi bale nang mataba, huwag lang sinungaling.”

Lumalawak na talaga ang hidwaan nilang magtiyahin, puring-puri pa naman sila noon ng ating mga kababayan dahil napakaganda ng kanilang samahan sa loob nang mahabang panahon, pero nang dahil sa usaping-pulitika ay heto sila ngayon at nagkakawatak-watak.

Naging masakit para sa Megastar ang patutsadang pinakawalan ng kanyang Tita Helen na ang tao kapag nagkakapera na ay nakalilimot na sa kanyang ugat.

Nauunawaan namin kung bakit masyadong naapektuhan ang Megastar sa patutsadang ‘yun dahil kahit kailan naman ay hindi siya pinagbago ng katanyagan at salapi, pagmulat pa lang ng kanyang mga mata sa mundo ay mayaman na siya, nang magdalaga siya ay bilyonarya na siya pero hindi niya ginawang katwiran ‘yun para magmataas at mangmaliit ng kanyang kapwa.

Kung meron mang artistang Pinoy na puwede nang magpakapalalo ngayon ay si Sharon Cuneta ‘yun dahil sa lahat-lahat ng meron na siya, pero hindi ‘yun nagpabago sa kanyang pagkatao, hindi man siya perpekto ay hindi pa rin siya maaaring husgahan na nang dahil sa salapi ay kinalimutan niya na ang kanyang ugat.

Read more...