NLEX makikilatis kontra Globalport

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Globalport vs NLEX
7 p.m. Rain or Shine vs San Miguel Beer

ISANG magandang panimula sa pro ranks ang hangad na magawa ng NLEX sa pakikipagtunggali nito sa Globalport sa PBA Philippine Cup mamayang alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Sa alas-7 ng gabi na main game ay magpupugay naman si Leo Austria bilang head coach ng San Miguel Beer na makakatapat ng Rain or Shine.

Matapos na magwagi ng anim na kampeonato sa PBA D-League ay umakyat ang NLEX sa PBA sa pamamagitan ng pagbili sa prangkisa ng Air21 upang masigurong hindi na mahihirapang magbuo ng isang expansion franchise.

Ang Road Warrors ay pamumunuan ng team captain na si Paul Asi Taulava, na sa kabila ng pagiging pinakamatandang manlalaro sa liga ay nagawang maging miyembro ng Mythical Five noong nakaraang season.

Makakatuwang niya sina Mark Cardona, Enrico Villanueva, Jonas Villanueva, Harold Arboleda, Aldrech Ramos at Niño Canaleta.

Si assistant coach Adonis Tierra muna ang hahawak sa NLEX habang hinihintay si Teodorico Fernandez III na tapusin ang kanyang commitment sa San Beda Red Lions sa NCAA.

Ipapakikita naman ni Stanley Pringle kung bakit siya ang naging top pick sa nakaraang 2014 Rookie Draft.

Kasama ni Pringle sa Globalport sina Alex Cabagnot, Yancy de Ocampo, Mark Isip, Terrence Romeo at Nonoy Baclao. Ang Batang Pier ay hawak ni coach Pido Jarencio.

Tanging head coach at isang rookie ang idinagdag sa lineup ng San Miguel Beer. Hinalinhan ni Austria si Melchor Ravanes at pinapirma ng Beermen ang first round draft pick na si Ronald Pascual.

Ang Beermen ay sasandig sa reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo.

Read more...