Pacquiao, Kia Sorento nagwagi sa PBA debut

HINDI binigo ng Kia Motors Sorento ang kanilang playing coach na si boxing superstar Manny Pacquiao sa kanilang Philippine Basketball Association (PBA) debut.

Ito ay matapos nilang tambakan ang kapwa bagitong koponan na Blackwater Sports Elite, 80-66, sa opening game ng 40th PBA season kahapon sa harap ng 52,612 record crowd sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Gumawa si LA Revilla ng career-high 23 puntos at pinamunuan ang matinding ratsada ng Sorento sa ikatlong yugto para talunin sa puntusan ang Elite, 38-17, at gawin ang siyam na puntos na paghahabol sa 63-51 kalamangan na hindi na nila pinakawalan.

“I’m just overwhelmed by the moment and thankful that we won,” sabi ni Revilla. “I just played the game, we played the game. We trusted the system, trusted coach.”

Ang dating La Salle Green Archers guard na si Revilla ay ibinuhos ang 14 sa kanyang 23 puntos sa ikatlong yugto lamang.

“Maganda nilaro ni LA (Revilla) kaya nabuhayan ‘yung buong team,” sabi ni Pacquiao, na naging starter at naglaro sa unang pitong minuto ng laro.

Hindi nakaiskor si Pacquiao subalit mayroon naman siyang dalawang turnovers sa kanyang PBA debut.

“I wasn’t surprised with how good we played,” sabi ni Kia assistant coach Glenn Capacio.

Nag-ambag naman sina Hans Thiele at Reil Cervantes ng tig-13 puntos para sa Sorento.

Sa ikalawang laro, nilampaso ng Barangay Ginebra Kings ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 101-81, para makasalo ang Sorento na nag-uwi ng unang panalo.

Read more...