Thompson hihiranging NCAA Season 90 MVP

HINDI man nakapasok sa Finals ay magiging memorable pa rin ang NCAA Season 90 men’s basketball para kay Earl Scottie Thompson ng University of Perpetual Help Altas.

Si Thompson ang siyang kikilalanin bilang season Most Valuable Player at may dalawang iba pang individual awards para mapatunayan na siya ang pinakamahusay na manlalaro na nakita sa taong ito.

Kasama si Thompson sa Mythical Team at ang nagpatindi sa kanyang paglalaro ay nang makapasok pa sa Best Defensive Team ng liga.

Isa si Thompson sa ‘big three’ ng Altas kasama sina Juneric Baloria at Harold Arboleda at kahit naipasok nila ang koponan sa ikatlong sunod na Final Four ay kinapos pa rin sa four-time defending champion San Beda Red Lions para mamaalam na.

Kasama ni Thompson si Arboleda sa Mythical Five bukod kina Ola Adeogun ng San Beda, Bradwyn Guinto ng San Sebastian College Stags at Jiovani Jalalon ng Arellano University Chiefs.

Sina Guinto at Adeogun ay kabilang din sa Defensive team na kukumpletuhin nina Joseph Gabayni ng Lyceum Pirates at Abdul AbdulWahab ng Jose Rizal University Heavy Bombers.

Si Gabayni ang lumabas bilang Defensive Player of the Year habang si Jalalon ang Most Improved Player.

Ang isa pang Arellano player na si American Dioncee Holts ang Rookie of the Year habang ang host JRU ang kumuha sa Sportsmanship Award.

Ang tatlong parangal na matatanggap ni Thompson bago simulan ang Game One ng Finals bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay makadaragdag inspirasyon sa pagpasok niya sa PBA D-League bilang kasapi ng malakas at title contender Hapee Toothpaste.

Read more...