BB Gandanghari gustong maging ‘AKTRES’


Sabado nang hapon, bago nagsimula ang Paparazzi Showbiz Exposed, ay marami nang nagtitipon-tipong reporters sa Broadway Studios ng TV5. Iisa lang ang kanilang dahilan, isang tao lang ang kanilang inaabangan, ang kababalik lang mula sa halos dalawang taon niyang pamamalagi sa New York na si BB Gandanghari.

Naging co-host sa Paparazzi si Mariel Rodriguez, ang napakaganda pa ring misis ni Robin Padilla, ito ang naatasang mag-iinterbyu kay BB Gandanghari para mas maging kumportable siya.

Babaeng-babae na nga si BB Gandanghari, maliliit na ang mga buto niya sa mga braso at kamay, tanging ang leeg niya na lang ang kailangan niyang itago para hindi mahalata ang malaki pa rin niyang Adam’s apple.

Ang boses niya ay babaeng-babae na rin, ang kanyang kilos ay pinong-pino, ipinlakado sa isang tunay na babae.

Pagdating niya sa bansa nu’ng nakaraang linggo ay kumalat agad ang balita na nagpa-sex change na si BB.

Sa panayam sa kanya ni Mariel sa Paparazzi ay hindi ‘yun nakalimutang linawin ng aktres-TV host, ang sagot naman ni BB Gandanghari, “Why, do you think I have not changed?”

Naging malaking palaisipan tuloy sa manonood ang kanyang sinabi, hindi lang ba niya ‘yun sinabi nang diretso dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin tanggap ng kanyang pamilya ang biglaan niyang pagbabago, o hindi pa rin siya sumasailalim sa ganu’ng proseso hanggang ngayon?

Pagkatapos ng kanyang panayam ay nakasama pa namin nang matagal sa dressing room si BB Gandanghari, nakakuwentuhan pa namin siya nang matagal, hindi raw siya magtatagal dito dahil marami siyang iniwanang trabaho bilang modelo sa New York.

Kung siya ang masusunod at meron agad mag-aalok sa kanya ay gusto niyang gumawa ng teleserye ngayon, gusto niyang umarte, sabik na sabik na raw kasi siyang gawin uli ang kanyang nakasanayan noon.

“Maganda naman ang work ko sa New York, I’m happy and comfortable there, pero hinahanap-hanap ko pa rin ang acting.

Sabik na akong umarte, kaya sana, before I go back, makagawa ako ng isang show that will require me to act talaga,” pahayag ni BB Gandanghari.

‘Yun ba ang pinag-uusapan nila ngayon ng mga ehekutibo ng TV5?

Read more...