Rachelle Ann nawala ang hiya sa Miss Saigon, game na game sa paghuhubad

RACHELLE ANN GO

RACHELLE ANN GO

Pitong buwan na si Rachelle Ann Go sa London na gumaganap nga bilang Gigi sa musical play na “Miss Saigon” kaya naman miss na miss na ng singer-actress ang pamilya’t mga kaibigan.

Ayaw namang gumastos ni Rachelle Ann para sa pamasahe niya pauwi ng Pilipinas dahil sobrang mahal daw, “Gusto niya libre,” say ni Cynthia Roque ng Cornerstone Talent Management.

“Ipinanalangin niya na sana magkaroon siya ng show dito sa Pilipinas para makalibre siya ng pamasahe, ang mahal naman kasi. E, heto, biglang tinawagan kami ng H&M (imported clothing line na nagbukas na ng sangay dito sa Pilipinas) for their opening at si Rachelle Ann nga ang gusto nilang maging guest.

“Kaya tuwang-tuwa si Shin (palayaw ni Rachelle) kasi nakalibre siya ng pamasahe,” sabi pa sa amin.

Sa ginanap namang pocket interview para sa pagbabalik ng singersa bansa ay natanong siya kung anu-ano ang mga memorable experience niya sa “Miss Saigon”, “Well, unang-una, ang dami kong natutunan, ‘yun nga nag-mature na rin ako as an artist and as a person. Seven months bilang mag-isa ako roon, ang daming naganap.

“Kabisadong-kabisado ko na ‘yung role ko bilang Gigi, at iniiba ko na ‘yung atake sa pagkanta, iniba ko na ‘yung acting ko, so natuto na akong mag-experiment. Sa rehearsal din namin masyadong daring ‘yung suot ko, hindi ko alam paanong atake ang gagawin ko, hiyang-hiya ako, nandoon lang ako sa isang corner nanonood sa ibang kumakanta kasi sobrang sanay ‘yung ibang girls doon.

“So, doon siguro nakita ko ‘yung sarili ko kung paano sa role, nawala na rin ‘yung hiya ko wearing skimpy bikini, fearing to other people (nawala na), kasi mahiyain din akong makipag-usap, eh, so nawala,” kuwento ng dalaga.

Sobrang memorable rin kay Rachelle Ann ang kumanta sa entablado kasama ang original cast ng “Miss Saigon” sa pangunguna ni Lea Salonga na nakadueto pa niya sa ginanap na 25th anniversary ng nasabing musical play.

“Ang sarap ng feeling, unang-una sobra akong grateful na naging part ako ng ‘Miss Saigon’, at naka-duet ko nga si Ms. Lea, hindi ko alam na nag-comment siya after, napanood ko lang ‘yun sa YouTube malaking bagay ‘yun. Isa ako sa napili para gawin ‘yung ‘Movie In My Mind’, so thankful ako kasi ang daming Pinoy na nagtsi-cheer,” pahayag ng dalaga.

Sa social media na lang daw nabasa lahat ni Rachelle ang magagandang feedback nang mapanood ang duet nila ni Lea kaya nagpapasalamat siya sa suportang ibinigay sa kanya ng mga kababayan niya.

Samantala, aminado si Rachelle Ann na wala siyang masyadong alam sa gawaing bahay nu’ng pumunta siya ng London, pero ngayon ay ang kayang-kaya na niya maski nakapikit pa ang mga mata.

“Wala si mama sa tabi ko, mahirap talaga, pero ngayon, sobrang nage-enjoy na ako sa ginagawa ko, magaling na akong maglinis ng bahay, mag-laundry, kasi ako lang lahat walang ibang gagawa. Marami na akong alam na luto, kaya sa next presscon, ako na ang magke-cater,” natawang sabi nito.

At kahit pagod na pagod daw siyapagdating ng bahay ay naglilinis pa rin siya at kapag day-off niya, “Actually sa bahay lang ako, natutulog kasi wala ka naman masyadong mapupuntahan doon, ‘yung mall, tatlo lang tapos kung mamimili lang ganu’n, pag Sunday, church lang kasama ko ang mga beki friends, actually mas marami akong kaibigang beki. Ang mamacho nila, pero mga beki,” masayang sabi pa ni Rachelle.

Nu’ng una raw ay hindi pa nararamdaman ng dalaga ang sinasabing homesick kasi nga bisi-bisihan sila sa rehearsals at shows na inaabot ng walo hanggang siyam sa isang linggo.

Pero nang magkaroon na raw siya ng maluwag na oras at free day ay saka niya naramdaman ang homesick at dito niya naalala ang pamilya.

Kaya naman nu’ng dumating siya noong Lunes sa bansa ay talagang nag-stay lang siya sa bahay para makasama ang kanyang pamilya, “Na-miss ko ang pagkain, ang luto ni mama, ninamnam ko ‘yung bahay.”

Read more...