TADHANA

nu bulldogs

KINUMPLETO ng National University ang pagbangon matapos matalo sa unang laro sa 75-59 pananaig sa Far Eastern University at sungkitin ang 77th UAAP men’s basketball title kagabi sa punung-puno na Smart Araneta Coliseum.

Tila isang beteranong koponan sa championship ang Bulldogs na dinomina ang kalaban mula sa unang quarter dahil sa ipinakitang magandang teamwork bukod sa galing sa pagdepensa.

Tinapos ng Bulldogs ang best-of-three series sa 2-1 iskor para tapusin din ang 60 taon ng paghihintay ng NU para maulit ang titulong nakuha noon pang 1954.

“I’m really overwhelmed,” wika ni Bulldogs coach Eric Altamirano. “This is the longest one week for me and the teams and just being able to finish it the right way, winning the title, sobra.”

Nanguna sa koponan ang baguhang si Alfred Aroga na ginamit ang huling laro sa finals para ilabas ang pinakamagandang porma nang tumapos siya bitbit ang career-high 24 puntos bukod sa 18 rebounds at 2 blocks. Sa kabuuan ng serye, ang 6-foot-7 center ay nag-average ng 16 puntos at 13 rebounds para gawaran ng Finals MVP.

“Ang dami niyang heartaches noong dumating siya at last year hindi siya nakalaro. He  brought to us his leadership,” papuri ni Altamirano kay Aroga na hindi starter sa deciding game.

Si Rodolfo Alejandro ay may 10 puntos para sila ni Aroga ang manguna sa 47-13 dominasyon ng bench players ng NU sa FEU.

Tumapos si Mike Tolomia bitbit ang career-high na 23 puntos habang si Mac Belo ay nagdagdag ng 17 puntos at 13 rebounds. Pero naglaho sa mahalagang laro ang dating inaasahan na sina Archie Inigo, Anthony Hargrove at Carl Cruz habang si Roger Pogoy ay natapilok sa ikatlong yugto at hindi na napakinabangan ng koponan. Mabagal ang panimula ng Bulldogs matapos maiwanan sa 5-11. Ngunit noong nag-init na ay tinapos ang quarter sa pamamagitan ng 15-7 run para hawakan ang 20-18 bentahe.

Umakyat sa apat ang kanilang bentahe sa halftime, 30-26, bago humarurot ang laro ng NU sa ikatlong yugto.

Nagsalo sa tatlong tres sina Gelo Alolino, Rev Diputado at Alejandro habang si Aroga ay may limang puntos para pagningasin ang 25-18 palitan para lumawig sa 55-44 ang kanilang bentahe.

Read more...